Umapela si Gob. Daniel R. Fernando sa publiko na magpakita ng malasakit sa mga patient under investigation o PUI mula sa COVID-19 sa halip na diskriminasyon.
Napag-alaman ng gobernador ang hindi tamang pagturing sa mga PUI na umaabot sa puntong hindi lamang sila iniiwasan kundi nakakatanggap ng masasakit na salita, bagay na hindi dapat nararanasan ng mga taong hindi rin hiniling na malagay sa ganoong sitwasyon at hangad lamang na ingatan din ang kanilang mga buhay.
“Mga kapwa ko Bulakenyo, ako po ay nakikiusap, maging mahinahon po tayo. Pwede naman po tayong mag-ingat ng may pagmamalasakit at paggalang sa ating kapwa,” ani Fernando.
Muli din niyang nilinaw na ang mga PUI ay hindi pa kumpirmadong positibo sa Covid-19 kundi mga pasyenteng kinakitaan ng alin man sa mga sintomas ng nasabing virus gaya ng ubo, lagnat, hirap sa paghinga o pagtatae at may close contact o direktang nakahalubilo ng taong nagpositibo sa Covid 19.
“Sa awa po ng Diyos, marami po sa ating mga PUI ang na clear na ng ating Provincial Health Office at kasalukuyang nasa mabuting kalagayan. Habang sila ay PUI, batid po natin kung anong takot at paghihirap ang kanilang pinagdaraanan. Huwag na po sana tayong makadagdag sa kanilang kabigatan,” pakiusap ni Fernando.
Pinaalalahanan din ni Fernando ang publiko na ang tunay na kaaway ay ang corona virus at hindi mga PUI o kahit mga positibong pasyente, lalong hindi ang isa’t isa.
Gayundin, nakikiusap ang Kagawaran ng Kalusugan sa publiko na huwag mamahiya dahil lahat ay posibleng magkaroon ng COVID-19.
“Mapanganib ang diskriminasyon dulot ng sakit na ito. Maaari itong maging dahilan upang itago ng mga tao ang kanilang sakit o sintomas, hindi magpagamot, o hindi pag-iingat,” ayon sa DOH sa kanilang opisyal na facebook account.
Naka-post din sa DOH na habang ginagawa ng bansa ang lahat para matugunan ang krisis, ang lahat ay hinihikayat na magpakita ng suporta at malasakit sa isa’t isa.
“Gawin natin ang sarili nating ambag para masugpo ang pagkalat ng virus. Malaki ang magagawa nito,” pahayag nito.
Ayon sa ulat ng Bulacan PHO COVID-19 Surveillance kahapon, 39 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 at 12 ang namatay.