QUEZON CITY – Nakahanda na ang iba’t ibang units ng Philippine National Police para rumesponde sa mga mangangailangan ng tulong.
Ito ang tiniyak ni PNP Chief Police General Camilo Cascolan sa harap na rin ng banta ng matinding epekto ng Bagyong Rolly sa Luzon kabilang na ang Metro Manila at mga karatig lalawigan nito.
Kabilang sa mga naka-alertong unit ng PNP ang Highway Patrol Group (HPG), Special Action Force (SAF), Maritime Group at Police Community Affairs and Development Group Inutos rin ni PNP Chief sa lahat ng Regional, Provincial at City Mobile Force Companies na makipag-ugnayan sa mga Lokal na Pamahalaan para sa pagsasagawa ng paglilikas sa mga lubhang maapektuhan ng bagyong Rolly.
Samantala sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines o AFP ay sinabi ni AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo na inatasan na ni AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay sa mga AFP units at mga AFP Frontline commanders na maghanda at makipag ugnayan sa Office of Civil Defense at NDRRMC para matukoy ang mga lugar na lubhang maapektuhan ng bagyo.
Sa ngayon nakahanda na ang kanilang mga trained units para magsagawa ng search, rescue at retrieval operations, handa rin daw ang mga military assets para magtransport ng mga relief goods at mag clear ng mga kalsada at para sa damaged assessment operations.
Tiniyak rin ni Arevalo na sa harap ng pagtupad nang kanilang tungkulin ngayong may bagyo, susunod ang mga sundalo sa umiiral na health safety protocols dahil naman sa COVID-19 pandemic.