Sugatan ang dalawa katao kabilang ang isang pulis sa naganap na sunog sa Barangay Torres, Dinalupihan, Bataan, Lunes ng gabi.
Ayon sa ulat mula kay Police Lt. Col. Emil Dela Cruz, hepe ng Dinalupihan Police, kinilala ang mga nasugatan na sila Ruben Carlos at asawa nitong si Police Staff Sgt. Aleli Carlos, nakatalaga sa Dinalupihan Municipal Police Station.
Nabatid sa imbestigasyon ni Fire Officer 3 Weillborn Guinto ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa dalawang palapag na bahay ganap na 10:40 p.m. nitong Lunes at idineklarang fire under control ganap na 11:30 p.m.
Nagtamo ang mga biktima ng mga sugat at burn injuries sanhi ng nabanggit na sunog kung saan naabo ang unang palapag ng kanilang tahanan. Kaagad na naisugod ng mga rumespondeng BFP firefighters, Barangay personnel, MBDA, at mga kasamahan sa PNP, sa Dinalupihan District Hospital ang mga biktima.
Faulty electrical wiring ang sinasabing sanhi ng sunog habang inaalam pa ang halaga ng natupok ng apoy.