PUVs sa Bulacan at paluwas, magpapatuloy sa 50% kapasidad

LUNGSOD NG MALOLOS — Hindi sususpendihin ang biyahe ng mga Public Utility Vehicles o PUVs sa pag-iral ng Enhanced Community Quarantine o ECQ sa Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite at Laguna.

Sa ginanap na virtual presser ng Department of Transportation o DOTr kaugnay ng ipapatupad na patakaran sa lialim ng ECQ mula Marso 29 hanggang Abril 4, ipinaliwanag ni Undersecretary for Road Transportation Steve Pastor na bagama’t magpapatuloy ang biyahe ng mga PUVs ay ibababa sa 50 porsyento lang ang dapat na mga sakay nito. Ibig sabihin, one seat apart o may laktaw na isa sa bawat hilera ng upuan.

Ang 50% na maximum allowable capacity ay iiral sa mga bus, UV express at mga dyip. 

Upang matiyak na maipapatupad ito, magbabantay 24 oras ang I-ACT o ang Inter-Agency Council for Traffic sa mga itinakdang checkpoints. 

Partikular na titiyakin dito na ang mga sakay ay pawang mga Authorized Persons Outside Residence o APOR lamang gaya ng mga manggagawa sa pribadong sektor, mga kawani ng pamahalaan na bahagi ng Inter Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at iba’t ibang mga frontliners.

Magpapatuloy naman ang pagbiyahe ng mga bus na itinakda ng DOTr para magbigay ng libreng sakay para sa mga medical at hospital staff frontliners.

Sa Bulacan bilang gateway papasok at palabas sa Metro Manila, patuloy ang biyahe ng mga bus na nauna nang binigyan ng special permit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Kabilang dito ang mga provincial buses na bumibiyahe mula sa Balagtas hanggang Caloocan, Calumpit hanggang Caloocan, Hagonoy hanggang Cubao, Baliwag hanggang Cubao at Grace Park, Angat hanggang Quezon Avenue, Angat hanggang Monumento at mga mula sa iba’t ibang bahagi ng San Jose Del Monte hanggang sa Maynila.

Patuloy din ang biyahe ng mga Premium Point-to-Pont Buses na papuntang North Avenue sa Quezon City mula sa Malolos, Santa Maria, Plaridel, Balagtas at Pandi. 

Binigyang diin ni Pastor na hindi dapat magtaas ng pamasahe ang mga PUVs sa mga lugar na nakapailalim sa ECQ.

Magiging exempted sa curfew ang biyahe ng mga PUV at maging ang mga sakay na APOR at mga frontliners.

Samantala, papayagan din ang mga dyip sa Bulacan na bumiyahe basta’t may laktaw na isa at hindi maari ang magkakatabing hinaharangan lamang ng plastic cover. 

Nasa pangangasiwa naman ng mga pamahalaang lokal ang magiging sistema sa mga tricycle.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews