FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija — Ipinahayag ng 7th Infantry Division o 7ID na humina na ang pwersa ng New People’s Army o NPA sa Nueva Ecija.
Ayon kay 7ID Spokesperson Lieutenant Colonel Charles Castillo, isa ang Komiteng Larangang Gerilya o KLG Caraballo na kasapi ng Central Luzon Regional Committee ng NPA ang nabuwag ng hanay ng mga kasundaluhan sa lalawigan.
Ilan aniya sa mga natitirang miyembro ng KLG Caraballo ay lumipat sa lalawigan ng Aurora na patuloy tinututukan ng dibisyon.
Kaugnay nito ay ibinalita din ni Castillo na umabot na sa 1,190 ang mga dating rebelde na sumuko at nagbalik loob sa panig ng gobyerno mula Enero 2019 hanggang Enero 2020 sa mga sakop na lugar ng 7ID.
Kabilang sa mga sumuko ang mga naging miyembro ng kilusan at ang mga sumusuporta sa mga aktibidad ng NPA at Communist Party of the Philippines o CPP.
Ang mga katulad nila ay pasok upang maging benepisyaryo ng E-CLIP o Enhanced Comprehensive Local Integration Program na kinapapalooban ng tulong pinansiyal bilang panimula sa kanilang pagbabagong buhay.
Pahayag ni Castillo, mayroon ding programa ang iba’t ibang ahensya ng pambansa at lokal na pamahalaan para sa mga sumusukong miyembro ng NPA kagaya ang pagbibigay suporta sa pag-aaral ng kanilang mga anak, pamamahagi ng mga kasanayan, pangkabuhayan at marami pang iba.
Kanya namang panawagan sa publiko at sa mga nananatiling miyembro ng mga kulisang sakop ng CPP-NPA ay magkaroon ng kalinawan sa mga ginagawang panghihikayat at panlilinlang ng grupo na kalabanin ang gobyerno.
Mananatiling nakabukas ang pamahalaan na tanggapin ang sinumang nagnanais bumalik sa panig ng gobyerno at magkaroon ng pamumuhay bilang mga responsable at produktibong mamamayan ng bansa.