PWUDs sa NE sumasailalim sa online screening, drug dependency exam

Ibinalita ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija ang pagsasagawa ng online screening at drug dependency examination sa mga PWUDs o Persons Who Used Drugs.

Ayon kay Father Arnold Abelardo na miyembro ng Provincial Anti-Drug Abuse Council ay patuloy ang  mga isinusulong na programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija kontra sa ilegal na droga kahit nananatili pa din ang sulirani’t epekto ng pandemiyang COVID-19. 

Kaniyang ibinalita na bagamat pansamantalang ginagamit bilang quarantine facility sa COVD-19 ang ipinatayong Nueva Ecija Drug Treatment and Rehabilitation Center o NEDTRC ng kapitolyo ay patuloy pa din ang paghahatid serbisyo ng tanggapan gaya ang pagbibigay konsultasyon sa mga PWUDs katuwang ang Ako Ang Saklay, Inc.

Ang mga rehab staff ng NEDTRC gaya ng mga doktor, psychometrician, nurse, at social workers ay patuloy sa pagsasagawa ng online Alcohol, Smoking, Substance Involvement Screening Test o ASSIST at Drug Dependency Examination.

Pahayag ni Abelardo, simula nakaraang taon ay nasa 353 People Deprived of Liberty na ang sumailalim sa mga nabanggit na pagsusuri na kinakailangan para sa pagsisimula o kaya’y malaman ang estado ng isinasagawang rehabilitasyon.  

Hindi din aniya basta-basta ang pagtanggap ng mga kliyente ng NEDTRC sa Ako ang Saklay na mahigpit ipinatutupad ang mga health protocol upang makaiwas sa pagkalat ng COVID-19.

Ayon pa kay Abelardo, umiikot din ang kapitolyo at ang mga kapulisan sa mga piitan upang makapagpamahagi ng mga facemask, pagkain at iba pang pangangailangan gayundin ay makapagdaos ng konsultasyon at pagpapalawig ng drug education. 

Kaniya din binanggit na nananatiling hangad ng pamahalaang panlalawigan ang pagsusulong ng Community Base Treatment Rehabilitation Program sa iba’t ibang mga lokalidad gayundin ang mga kampanya tulad ng Drug Awareness Education at Drug Free environment sa mga opisina, institusyon at mga paaralan. 

Samantala ay ibinalita naman ni Nueva Ecija Police Provincial Director Colonel Jaime Santos na hindi tumitigil ang kapulisan sa mga isinasagawang operasyon upang mapigil ang pagkalat ng ilegal na droga sa lalawigan.

Sa buwan lamang ng Abril ay nasa 106 operasyon ang naisagawa ng mga kapulisan sa lalawigan na may kaugnay sa mga kampanya kontra ilegal na droga na kung saan nakakumpiska ng mga shabu at marijuana na nagkakahalagang aabot sa humigit 770 libong piso.

Sa nasabing operasyon ay nasa 136 indibidwal ang naaresto bukod pa ang 11 suspek na mga nasawi sa engkwentro sa pagitan ng mga otoridad. 

Iniulat din ni Santos na sa kasalukuyan ay nasa 445 barangay na sa buong lalawigan ang drug cleared samantalang nasa 316 bilang pa ang ipinoproseso para sa barangay drug clearing.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews