Quarry sa  Biak-Na-Bato tinututulan, petitioner nanawagan kay PBBM at sa DENR

Mahigpit na tinututulan ng mga residente sa bayan ng San Miguel, Bulacan ang umanoy patuloy na “illegal quarrying” sa Biak-Na-Bato na bahagi ng kabundukan ng Sierra Madre.

Umaapela sila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa lahat ng concerned government agencies partikular na sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipatigil ang pag-quarry sa Biak Na Bato. 

Ayon kay Mary Grace De Leon, businesswoman, environmentalist, at residente ng Barangay Sta. Rita Matanda, San Miguel, Bulacan, walang habas ang isinasagawang illegal quarry sa Biak Na Bato na umanoy pag-aari ng mataas na nanunungkulan sa nasabing bayan. 

Dahil dito, hinihiling ni De Leon na bigyan atensyon ni Pangulong Marcos ang kanilang petisyon na ipatigil ang nasabing paghuhukay at pagsira sa kalikasan dahil ang Biak-Na-Bato ay isa nang National Park.

Kasama ni De Leon sa nasabing panawagan at sumusuporta sa kanilang ipinaglalaban si former municipal councilor Melvin Santos na patuloy na bumabatikos sa lantaran at umanoy patuloy na pagsasagawa ng “illegal quarry” sa Biak Na Bato na sinasabing may isang taon nang nag-o-operate.

Ayon sa mga petitioners, ayaw na nila maulit pa ang trahedya naganap sa bayan ng San Miguel noong 2022 na kung saan ay 5 Bulacan rescuers ang nasawi dahil sa mataas na bahang dulot ng bagyong Karding.

Ayon kay De Leon, maraming mga barangay sa bayan ng San Miguel ang ngayon ay binabaha na gaya ng Barangay San Juan, San Jose, Sta Rita Matanda, Poblacion, Camias at Baritan dahil sa patuloy na pagka-kalbo ng kapaligiran ng Bundok ng Sierra Madre partikular na sa bahagi ng Biak Na Bato.

Ang Biak-na-Bato National Park ay ginawa nang protected area sa bansa na matatagpuan sa Barangay Biak-na-Bato sa San Miguel, Bulacan.

Ito ay umaabot din sa mga bayan ng San Ildefonso at Doña Remedios Trinidad na sumasakop sa 2,117 hectares. 

Ito ay idineklarang Biak Na Bato National Park taong 1937 nang noo’y si President Manuel L. Quezon.

Binubuo ito ng isang network cave at river system at mga landas na parehong may kahalagahan sa kasaysayan at ekolohikal.

Mula noon ay mabilis itong naging sikat na weekend eco-adventure destination para sa mga naninirahan sa Biak Na Bato. 

Ayon naman kay Atty. Julius Victor Degala, head ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO), mayroon na sila na-isyuhan ng Notice of Violation with Cease and Desist Order nito lamang Nobyembre 7, 2023. 

Bumuo na rin ang BENRO ng Special Task Force na siyang magsasagawa ng inspection at inventory sa lahat ng quarry sites sa bayan ng San Miguel. 

Nakapag-submit na rin sila ng Comprehensive Report with findings and recommendations kay Bulacan Governor Daniel Fernando.

Magugunita na mahigpit na ipinag-uutos ni Fernando ang pagpapatigil ng illegal quarry sa lalawigan.

Samantala, magsasagawa naman ng prayer vigil ang grupo ng mga petitioners sa harap ng munisipyo ng San Miguel para ipadama ang kanilang saloobin hinggil sa apelang ipatigil ang quarry sa nasabing bayan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews