LUNGSOD NG MEYCAUAYAN — Nagdestino ng 375 na mga Reactionary Standby Support Force o RSSF sa 20 hangganan o boundaries ng Bulacan at Metro Manila.
Ito’y upang magpatupad ng checkpoints kaugnay ng umiiral na community quarantine sa Metro Manila alinsunod sa utos ni Pangulong Duterte para sugpuin ang sakit na coronavirus disease o COVID-19.
Ayon kay Acting Provincial Director Police Coronel Lawrence Cajipe, binubuo ito ng 130 na mga kapulisan, 45 na kasundaluhan at 200 mga force multipliers.
Kinabibilangan ang mga force multiplier ng iba pang ahensiya gaya ng Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, Department of Health at mga pamahalaang lokal ng Obando, Meycauayan, Marilao at San Jose Del Monte kung nasaan ang mga hangganan ng Bulacan at Metro Manila.
Ipinaliwanag ni Cajipe na ang patakaran sa pagsasagawa nitong mga checkpoints ay alinsunod sa itinakda ng Department of the Interior and Local Government.
Pangunahin na rito na ang mga papapasukin lamang sa Metro Manila ay ang makakapagpakita ng company ID, certificate of employment o anumang dokumentong magpapatunay na doon nagtatrabaho.
Para naman sa mga self-employed at pati sa mga may negosyo, kinakailangang makapagpakita ng resibo, job order o anumang dokumento na magpapatunay na nasa Metro Manila ang kanilang kabuhayan.
Para naman sa mga umuuwi ng Bulacan, kailangang makapagpakita ng anumang dokumento o ID na siya ay lehitimong taga-Bulacan.
Samantala, bawat sakay ng mga pampublikong sasakyan ay isinasailalim ng RSSF sa thermal scanning na kasabay ng pagsusuri ng mga dokumentong kailangan.
Ipinapatupad din ang social distancing kung saan kinakailangan na may agwat na isa o one seat apart ang mga pasahero sa isa’t isa.