Red Cross Bulacan, magpupundar ng mas malaking himpilan

LUNGSOD NG MALOLOS — Sisimulan na ang konstruksyon ng magiging bagong himpilan ng Philippine Red Cross o PRC Bulacan Chapter na itatayo sa bahagi ng Malolos City Government Center.

Tatlong palapag na gusali ang itatayo na matatagpuan sa likod mismo ng bagong City Hall ng Malolos. 

Kahilera nito ang cooperative building at ang gusali ng Department of Education Malolos Schools Division.

Ayon kay PRC Bulacan Administrator Ricardo Villacorte, nagsimulang mag-ipon ng pondo ang chapter simula pa noong 2017 upang maisakatuparan ang proyekto.

Layunin nito na mas mapalaki ang pasilidad para sa mas pinalakas na humanitarian mission ng PRC. 

Magkakaroon ito ng malaking training center para sa dumadaming mga volunteers at sleeping quarters para sa mga trainees at volunteers. 

Dito rin planong ilagak ang Molecular Laboratory ng PRC para sa lungsod ng Malolos at para na rin sa lalawigan.

Igagayak din ang pagkakaroon ng isang Dialysis Center at mas malaking response center ng Rescue 143 ng PRC.

Ipinaliwanag pa ni Villacorte na sa target na pagtatapos at pagbubukas ng bagong PRC-Bulacan Chapter Building sa taong 2021, ang magiging dating himpilan na kasalukuyang nasa tabi ng Kapitolyo ng Bulacan, ay gagawing isang full-pledge facility bilang isang PRC-Bulacan Blood Center. 

Tutugon ito sa lumalaking pangangailangan sa suplay ng dugo para sa may mahigit na tatlong milyong populasyon ng Bulacan.

Pinangunahan ni Kinatawan Lorna C. Silverio ng Ikatlong Distrito ng Bulacan, na siyang chairperson ng PRC-Bulacan Chapter, ang paghuhulog ng panandang bato sa mismong lugar na pagtatayuan ng gusali. Katuwang niya si Malolos City Mayor Gilbert Gatchalian na nag-apruba ng pagtatayo sa ilalim ng 25 taon na usufruct agreement.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews