Rehabilitasyon sa NLEX, SCTEX target matapos bago ang holiday season

Target matapos ang isinasagawang rehabilitasyon sa North Luzon Expressway (NLEX) at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) sa Setyembre 2024 bago ang holiday season. 

Kabilang na rito ang pagsasaayos sa mga kalsada, tulay, at mga exit at entry.

Sinabi ni NLEX Corporation President Luigi Bautista na saklaw ng rehabilitasyon sa bahagi ng Bulacan sa NLEX ang Mabiga sa Plaridel, Tabang Toll Plaza sa Guiguinto, sa southbound lane mula sa Tabang spur exit ramp hanggang sa barangay Burol II sa Balagtas at mga entry at exit ramps sa Bocaue Toll Plaza.

Prayoridad naman sa bahagi ng Pampanga sa NLEX ang pagkukumpleto na maitaas ang lebel ng kalsada sa Tulaoc sa San Simon.

Samantala, inaayos ang kalidad ng mga kalsada sa SCTEX Spur Ramp o ang dugtungan nito mula sa NLEX at gayundin ang mula sa SCTEX pabalik sa NLEX.

Sa direksiyon na patungong Subic, kasamang inaayos sa SCTEX ang bahagi ng Manuali sa Porac, Pampanga.

Para naman sa direksiyon patungong Tarlac, isinasailalim sa rehabilitasyon ang mga bahagi ng Old San Jose. San Ramon at Pagalanggang sa Dinalupihan, Bataan; Dampe sa Floridablanca, Pampanga; at Margot sa lungsod ng Angeles. 

Kasama rin sa rehabilitasyon ang pagpapanatiling maganda ang kalidad ng aspalto sa magkabilang lane ng North Harbor Link ng NLEX. 

Partikular na pinapangasiwaan ng NLEX Corporation sa pagsasaayos ang asphalt patching o pagsisiksik ng aspalto sa mga butas na bahagi, rotomilling o pagsusuyod sa mga gastado nang aspalto, at ang asphalt overlaying o ang paglalatag ng bagong aspalto na magsisilbing road surface. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews