Respect and support local artists: Bahaghari ng Malolos

“Respect and support local artists”. 

Ito ang panawagan ng isang samahan ng mga pintor, iskulptor at litratista na kilala bilang “Bahaghari ng Malolos” kaugnay ng “kahihiyang” idinulot sa pamilya ng itinayong bantayog ni Heneral Isidoro Torres sa harapan ng Malolos City Hall dahil sa hindi umano ito ang imahe ng tinaguriang  Bulacan Katipunero hero.

Ang samahan ng Bahaghari ng Malolos sa pangunguna ni Roen Tantoco bilang presidente habang kapanayam ng mga mamamahayag kaugnay ng kanilang panawagan na gawing prayoridad ng Pamahalaang Panlalawigan na mga Bulacan artists ang gamitin kung mayroong mga proyekto na ang kanilang expertist ang kakailanganin. Kuha ni ERICK SILVERIO

Dahil dito, nanawagan ang Bahaghari ng Malolos kay Bulacan Governor Daniel Fernando na tulungan sila sa mga local government units (LGUs) na maging prayoridad at kuhanin ang kanilang serbisyo sakaling mangangailangan o mayroon muling ganitong uri ng proyekto.

Ito ay nag-ugat sa reklamo ng pamilya ng itinuturing na Bulacan Katipunero hero na si Heneral Isidoro Torres na kung saan ay hindi nagustuhan ang ginawa ritong rebulto na itinayo sa harapan ng gusali ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos kasabay ng pagdiriwang Ika-155 taong anibersaryo ng kaniyang kapanganakan.

Magugunita na nadismaya at hindi nagustuhan ng mga angkan ng bayaning Bulakenyo ang rebulto na inilagay sa city hall ng Malolos dahil sa hindi umano ito ang mukha o kawangis man lang ni Hen. Torres.

Ayon kay Marlon Tantoco, pangulo ng “Bahaghari ng Malolos”, nais nila na maiwasan ang ganitong uri ng insidente na kung nabigyan sana ng pagpapahalaga ng kinauukulan ay maayos at katanggap-tanggap sana ang kinalabasan ng ginawang dambana.

Maging silang mga Bulacan artists ay dismayado rin sa kinalabasan ng rebulto dahil sa bukod sa hindi ito proportion ay talaga naman anilang masama ang itsura ng rebulto.

Gusto ng nasabing samahan na suportahan sila ni Gob Fernando na magkaroon ng reolusyon na sila ang maging prayoridad na kuhaning mag-komisyon sakaling mayroong ganitong proyekto ang mga LGUs.

Napagalaman na nagkaroon ng bidding sa naturang pagpapagawa ng nasabing monumento o dambana ni Hen. Torres kung saan ang kinuhang gagawa ng rebulto ay hindi Bulacan artists kundi taga Metro Manila at sa kanilang pantaha ay tila ginamit lamang sila nang pasalihin sa bidding bilang pormalidad.

Ayon kay Toppie Torres, descendant at spokesperson ng pamilya Torres, nagpapasalamat sila sa inisyatibo ng pamahalaang lungsod sa ginawang pagkilala sa kanilang bayaning lolo subalit sa kabila nito ay nagpahayag sila ng lungkot, pagkamuhi at galit sa kinalabasan ng imahe ni Hen. Torres.

“Ginawa nilang mukhang boksingerong unggoy ang aming lolo na malayo sa tunay nitong wangis,” pahayag ng pamilya.

Ayon kay Torres, naiwasan sana ang pangyayari kung pinagbigyan siya sa kaniyang alok na sila nang pamilya ang magpapagawa ng rebulto at sa kanilang gastos para aniya masunod ang gusto nilang gagamiting materyales at imahe ng kanilang lolo.

Kung mayroon man umanong naka-komisyon sa proyekto ay sana man lang aniya ay nakipagkonsulta o koordinasyon man lang sa kanila ang mga ito na siyang hiling ng pamilya bago pa man pinaplano ang nasabing proyekto.

Nais ng Bahaghari ng Malolos at pamilya Torres na magkaroon ng imbestigasyon sa proseso ng isinagawang bidding sa proyekto dahil tila anila nagkaroon ng anomalya na dapat anila’y paimbistigahan ni Mayor Bebong Gatchalian.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews