LUNGSOD NG MALOLOS — Isasailalim sa retrofitting o pagpapatatag ng mga pundasyon at istraktura ang makasaysayang simbahan ng Barasoain sa Malolos.
Iyan ang kinumpirma ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP sa ginawang pag-alaala sa Ika-120 Taong Anibersaryo ng Kongreso ng Malolos.
Sinabi ni Engr. Candido Castro ng Historic Preservation Division ng NHCP na pinag-aaralan na ngayon sa pakikipag-ugnayan sa Parokya ng Nuestra Senyora Del Carmen kung pansamantalang isasara ang buong simbahan o kaya naman ay may bahagi na isasara upang bigyang daan ang gagawing retrofitting.
Magsasagawa ng material characterization kung anong mga materyales ang ginamit noong itinayo ang Barasoain at yung angkop na gamitin para maipreserba ito.
Patatatagin din ang lupang kinatatayuan nito na tinatawag soil stabilization.
Pati iyong mga orihinal na semento ng istraktura ay kasama sa preserbasyon. Magkakaroon ng injection ng mga chemical para mawala ang lumot ng orihinal na semento.
May halagang 20 milyong piso ang proyekto na ipinasok ng NHCP sa badyet nito sa 2019.
Ang nakikitang istraktura ngayon ng Barasoain ay naitayo pa noong 1885.
Bago ang nasabing taon, ilang beses na itong naitayo, nagiba at muling itinayo.
Taong 1998 nang huling isinailalim sa renobasyon at rehabilitasyon ang simbahan ng Barasoain.
Ito’y bilang bahagi ng pagdiriwang ng sentenaryo o ang Ika-100 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas at sa panunumpa sa tungkulin ni noo’y Pangulong Joseph Ejercito Estrada.
Tatagal ng walong buwan ang gagawing retrofitting sa simbahan ng Barasoain na nasa klasipikasyong National Landmark at Important Cultural Treasure.
Ito’y dahil sa mga malalaking ambag sa pambansang kasaysayan mula sa pagbubukas ng Kongreso ng Malolos, pagbalangkas sa Saligang Batas ng 1899 hanggang sa pagpapasinaya ng kauna-unahang Republika sa Asya. (CLJD/SFV-PIA 3)