Nirerepaso na ang gagamiting right-of-way para sa itatayong Malolos Interchange na bahagi ng gagawing Northern Access Link Expressway (NALEX) Phase 2.
Ang resulta sa idinaos na mga public consultation ay magiging batayan sa pagkukumpleto ng detailed engineering design ng proyekto, partikular na ang dadaanan nitong Malolos Interchange.
Sinabi ni Toll Regulatory Board (TRB) Executive Director Alvin Carullo na sa ginanap na serye ng mga public consultation sa mga residente at may-ari ng lupa na posibleng tatamaan ng proyekto ay nangako ang konsesyonaryo ng NALEX na San Miguel Holdings Corporation (SMHC) na ginagawa ang lahat ng istratehikong hakbang upang mailihis sa mga kabahayan ang itatayong interchange.
Base sa inisyal na panukala, dadaan sa barangay San Pablo ang road alignment ng Malolos Interchange, kung saan nasa 80 hanggang 200 na mga kabahayan ang maaapektuhan dahil sa right-of-way.
Sinabi ni SMHC Assistant Vice President and Corporate Affairs Head Melissa Tagarda na posibleng maibaba sa bilang na 20 o mas mababa pa ang maapektuhan na kabahayan.
Kaya’t patuloy aniya ang paghahanap ng iba pang pwedeng madaanan ng proyekto upang wala nang bahay ang tamaan.
Kung sakali naman na hindi maiiwasan na hindi madaanan ang isang partikular na pribadong pag-aari, tiniyak niyang mababayaran nang tama o naaayon sa kasalukuyang property valuation ang may-ari ng lupa ayon sa umiiral na ang Republic Act 10752 o ang The Right of Way Act of 2016.
Inaprubahan ng TRB ang proyektong NALEX noong Mayo 2022 upang magsilbing bagong road network na papunta at mula sa New Manila International Airport (NMIA) sa bayan ng Bulakan.
Magsisilbi ring koneksyon o road access mula sa NMIA ang Malolos Interchange ng NALEX Phase 2, sa Manila North Road o MacArthur Highway at sa North Luzon Expressway sa bahagi ng barangay Bungahan na malapit sa Sta. Rita Exit.
Ang alignment na dadaan ng NALEX Phase 2 ay may habang 117 na kilometro mula sa NMIA sa Bulakan na derecho sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway sa bahagi ng lungsod ng Tarlac.
Madadaanan din nito ang mga bayan ng Paombong, Hagonoy at Calumpit sa Bulacan.
Samantala, ang NALEX Phase 1 ay may habang 19 kilometro mula rin sa Bulakan, dadaan sa Obando, Navotas at Malabon na idudugtong sa Balintawak ramp ng Skyway Stage 3 sa lungsod ng Caloocan.
Target gawin at tapusin ang NALEX Phase 2 sa loob ng pitong taon o pagsapit ng taong 2030.
May inisyal na halagang P148 bilyon ang halaga ng dalawang phases ng proyekto na ginugugulan ng konsesyonaryo sa ilalim ng Build-Operate-Transfer na isang mekanismo ng Public-Private Partnership.
Patatakbuhin ng Skyway Operations and Management Corporation ng SMHC ang NALEX Phases 1 at 2 sa loob ng 30 taon mula sa unang taon na ito’y matapos at magsimulang mapadaanan sa mga motorista. (CLJD/SFV-PIA 3)