Tuluy-tuloy ang konstruksyon ng magiging bagong Guiguinto Station ng proyektong North-South Commuter Railway o NSCR Phase 1 ngayong naresolba na ang bahagi ng right-of-way na kailangan para rito.
Sa ginanap na pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan, sinabi ni Bise Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na pabor ang kapitolyo na mabili ng Department of Transportation o DOTr ang lupang dating kinatatayuan ng Hiyas Agro Commodity Center o HACC at likuran ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA Regional Training Center na matatagpuan sa barangay Tabang.
Base sa sulat na ipinadala ni Gobernador Daniel Fernando sa Sangguniang Panlalawigan, hiniling nito na tugunan ang kahilingan ng DOTr upang hindi mabinbin ang kasalukuyang konstruksyon ng NSCR sa bahagi ng Guiguinto.
Sa pagharap ni Sharon Magat, right-of-way acquisition officer ng DOTr para sa NSCR Project Phase 1, sinabi nito na kasalukuyan nang itinatayo ang mga poste para sa viaduct na dadaanan ng riles ng tren.
Ang kailangan ngayon ay maitayo ang gusali na magiging Guiguinto Station.
Upang maisakatuparan ito, bibilhin ng DOTr ang dating kinatatayuan ng HACC at likuran ng TESDA Regional Training Center na pag-aari ng pamahalaang panlalawigan.
Sa estado ng konstruksyon ng NSCR Phase 1, umakyat na sa 45.02 porsyento ang nagagawa mula sa Malolos hanggang sa Tutuban.
Kapag nakumpleto ang konstruksiyon nitong proyekto sa 2022, makakapagbiyahe ito ng hanggang 300 libong katao araw-araw.
Kaya na ring marating ang Tutuban mula sa Malolos sa loob lamang ng 35 minuto mula sa kasalukuyang mahigit sa isang oras.