Puno ng galak at pagpupunyagi ang bayan ng Bocaue, Bulacan dahil sa muling pagbabalik ng sigla ng lokal na pamahalaan sa bagong lideratong hatid nina Mayor Jonjon Villanueva at Vice Mayor Sherwin Tugna na righteous governance at pagpapatuloy sa naiwang legasiya ng namayapang si Mayor Joni Villanueva-Tugna.
Mainit ang naging pagsalubong ng mga empleyado ng Pamahalaang Lokal ng Bocaue kay Villanueva at Tugna sa unang araw ng kanilang paglilingkod sa ginanap na first flag ceremony at inaugural session kamakailan.
Si Mayor JJV Villanueva ang nakatatandang kapatid at si Vice Mayor Tugna naman ang balo ng namayapang si Mayor Joni noong kasagsagan ng unang taon ng Covid-19 pandemic.
Sa kanilang mga talumpati noong June 30 sa ginanap na inagurasyon ng pagtatalaga sa tungkulin, kapwa nila tiniyak sa bawat Bocaueno na tuloy-tuloy na at wala nang makakapigil sa pagbuhay sa legasiya ni Mayor Joni na mapanatiling nasa mabuti, maayos at mataas ang antas ng bayan ng Bocaue.
“Buo ang loob ko na muli kayong paglingkuran (Bocauenos) sa abot ng aking makakaya para sa isang pamayanang maunlad at payapa,” ayon kay Villanueva.
Tinawag naman ni Senator Joel Villanueva, kapatid ng alkalde na “calling” ang pagbabalik at muling pagsakripisyo ni Mayor JJV upang magawa ang hinihiling tungkulin at obligasyon na mapaglingkuran ang minamahal niyang Bocaueno.
“Mayor Jonjon came back and walk the extra mile to sacrifice, to ensure that he is going to contribute in the legacy of Mayor Joni, kaya sa mga oras na ito masasabi ko na… Napakasarap maging Bocaueno!” ayon sa senador.
Dagdag pa ni Sen. Villanueva, ang pagkakaluklok kay JJV at Tugna ay kaloob ng Diyos mula sa mga panalangin ng mga Bocaueno na magkaroon ng righteous governance ang bayan ng Bocaue.
Ayon naman kay VMayor Tugna, pagtutuunan nila ng pansin ang trabaho, kalusugan at edukasyon kung kayat nakikipag-ugnayan na siya sa mga nasyunal na ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department Of Labor and Employment (DOLE), Department Of Health (DOH), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Education (DepEd) para sa mas produktibong mga programa sa susunod na tatlong taon ng kaniyang termino.
“Sinisimulan na po natin ang pagbalangkas ng mga ordinansa na direktang tutugon at magbibigay ginhawa at magpapataas ng antas ng bawat Bocaueno,” wika ni Tugna.