LUNGSOD NG CABANATUAN — Ibinalita ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan ang paglulunsad ng rolling market na iikot sa mga barangay na nasasakupan.
Ayon kay Mayor Myca Elizabeth Vergara, nakatakda sanang magsimula ngayong linggo ang proyekto na inilipat sa darating na Lunes, Abril 20.
Ito aniya ang nakikitang pamamaraan upang mabawasan ang pagdami ng mga namimili sa mga pampublikong pamilihan sa lungsod.
Hinihikayat din ng alkalde ang mga tagapamuno sa barangay na magtayo ng talipapa sa mga lugar upang duon na lamang makapamili ang mga nasasakupang residente.
Ayon kay Vergara, sa kasalukuyan ay mayroong ipinatutupad na iskedyul ng pamimili para sa lahat ng 89 barangay ngunit dahil sa dami ng nasasakupan ng Cabanatuan ay umaabot pa din hanggang sa 15 barangay ang naka-iskedyul sa isang araw.
Bukod pa aniya ang mga dumarayong mamimili mula sa ibang lugar o labas ng lungsod para makabili ng mga gamot at pangunahing bilihin sa mga malalaking establisimento sa siyudad.
Paglilinaw ng punong lungsod, ang nakikitang maraming tao sa lansangan at mga pamilihan ay hindi lamang residente ng lungsod kundi mula din sa ibang mga bayan na pinipiling dumayo sa Cabanatuan na sentrong pamilihan sa Nueva Ecija.
Kung kaya’t pinaplano ng pamahalaang lokal katuwang ang mga kapulisan na magkaroon ng reroute ng mga sasakyan at magtalaga ng pulis sa bawat barangay upang magpaalala at magpatupad ng mga pag-iingat kontra sa pagkalat ng coronavirus disease.
Samantala, nasa ikatlong bahagi na ng pamamahagi ng food packs ang pamahalaang siyudad na layong makumpleto ang tig-30 kilong bigas para sa bawat pamilyang nasasakupan bukod pa ang isang buong manok na naunang naipamigay.
Pahayag ni Vergara, magpapatuloy ang pamamahagi ng food packs matapos ang gagawing pamamahagi ng Emergency Subsidy Program ng Department of Social Welfare and Development sa lungsod.