Sabayang Patak Kontra Polio sa Bulacan, pinalawig

LUNGSOD NG MALOLOS — Pinalawig hanggang sa Setyembre 20 ang pagsasagawa ng pagpapatak sa mga batang Bulakenyo upang hindi dapauan ng sakit na Polio.

Partikular na kasali rito ang mga batang bagong panganak hanggang 59 buwan. Katumbas ito ng edad na limang taon pababa.

Iyan ang target sa muling paglulunsad ng kampanyang Sabayang Patak Kontra Polio na pinangunahan ni Health Secretary Francisco Duque III.

Layunin nito na bigyang diin sa kabatiran ng karaniwang pamilyang Bulakenyo na itutuloy na ang naudlot na pagpapatak na dapat sana ay noong Agosto 3 hanggang 9.

Hindi ito natuloy nang isailalim muli ang lalawigan sa Modified Enhanced Community Quarantine. 

Kaya’t sa muling pagpapatuloy nito, ang bilang na 390,692 ng mga batang papatakan ay katumbas ng 78 porsyento na target ng Provincial Health Office o PHO.

Ngayong nakapailalim na sa General Community Quarantine ang Bulacan, tuloy na ang dalawang rounds ang gagawing sabayang Patak. Ang una ay mula Agosto 19 hanggang 23 habang ang ikalawang round mula sa Setyembre 7 hanggang 20.

Ipinaliwanag ni Duque na walang gamot sa Polio maliban sa mabisang pagpapabakuna. 

Nakakahawa aniya ang sakit na Polio na nakukuha sa dumi ng tao, maruming tubig, kontaminadong pagkain at iba pang bagay na marumi. Kung hindi maagapan, maaaring mauwi ito sa habangbuhay na pagkalumpo o pagkamatay.

Kaugnay nito, tumutulong ang Relief International sa pagpapalaganap ng mga impormasyon kung bakit dapat papatakan ang mga bata kontra Polio. 

Ayon sa convenor nitong si Kala Sta. Barbara, dapat isagawa pa rin Sabayang Patak kontra Polio sa kabila ng pandemyang COVID-19 dahil habang naaantala aniya ang pagpapatak, lalong kakalat ang Polio at dadami ang mga batang walang proteksyon laban dito.

Katuwang ng PHO sa kampanyang ito ang World Health Organization at United Nations Children’s Fund partikular sa pagsasanay ng mga health workers sa tama at ligtas na pagbabakuna sa gitna ng pandemya. 

Pinagsusuot sila ng mga personal protective equipment para matiyak ang proteksyon din ng mga nagbabakuna. 

Gayundin ang pagsusuot ng face mask, pagsunod sa tamang agwat, wastong paghuhugas ng mga kamay at paggamit ng alcohol.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews