‘Safe Trip Mo Sagot Ko’ muling inilunsad ng MPTC

LUNGSOD NG MALOLOS — Muling inilunsad ng Metro Pacific Tollways Corporation o MPTC ang Safe Trip Mo Sagot Ko o SMSK para sa maayos na paglalakbay ng mga motoristang uuwi sa kani-kanilang probinsiya ngayong Undas.

Ang SMSK ay isang motorist assistance program ng MPTC na ipinapatupad sa kahabaan ng North Luzon Expressway o NLEX, Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX at Cavite Expressway na naglalayong maging maayos ang traffic management at toll collection tuwing holiday.

Ayon sa pamunuan ng MPTC, simula sa Oktubre 27 hanggang Nobyembre 6, mag-eextend ng working hours ang mga tauhan ng NLEX at SCTEX upang mahigpit na mamonitor ang inaasahang paglobo ng volume ng mga sasakyang papasok sa expressway partikular sa Balintawak, Mindanao, Bocaue, Sta. ines, Tarlac, at Tipo toll plazas.

Magdaragdag din sila ng patrol at incident response teams upang mabilis ang pagresponde sa emergency situation.

Tinatayang magdadagsaan ang mga uuwi sa probinsya ngayong Undas kaya naman sa Oktubre 27,28,30,31 at Nobyembre 1 ay bubuksan ang 24 na toll collection booth sa Balintawak Plaza, 10 sa Mindanao Avenue, at 16 sa Tarlac.

At upang mapabilis ang bayaran, magdaragdag din ang MPTC ng mga portabooths at portable collection equipment.

Kaugnay nito, inanunsyo ng MPTC na suspendido ang mga main line road works sa NLEX at SCTEX simula sa Oktubre 27 upang bigyan daan ang Undas at 31st ASEAN Summit at magpapatuloy lamang ang konstruksyon sa Nobyembre 16.

Kasama ng MPTC na aalalay sa mga motoristang babyahe ngayon Undas ang mga tauhan mula sa Department of Transportation, Department of Public Works and Highways, Land Transportation Office, Philippine National Police, Metro Manila Development Authority at Toll Regulatory Board. (CLJD/VFC-PIA 3)Vinson F. Concepcion

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews