Samahan ng Maggugulay sa Bulacan, tumanggap ng gamit mula sa DA

LUNGSOD NG MALOLOS — Nagkaloob ng iba’t ibang bagong kagamitang pangsaka ang Department of Agriculture sa may 11 mga samahan ng mga magsasaka ng gulay sa Bulacan.

Ayon kay Provincial Agriculturist Gloria Carillo, walong uri ng mga intervention materials and equipment ang ipinagkaloob ng ahensiya sa ilalim ng High Value Crops Development Program. 

Nakatuon ito sa pagpapayabong ng mga high value crops gaya ng mga gulay at prutas.

Prayoridad dito ang mga nagtatanim ng Cacao, Kape, Mangga at iba pang high value commercial crops na natatanim at naaani sa Bulacan. 

Pinakamaraming bilang ng naipagkaloob ay ang tig-2 units ng Knapsack Sprayers sa may 11 samahan ng mga maggugulay. 

Kabilang sa mga nakatanggap ang Pulilan Rice and Vegetable Cooperative, Lahi ng Magbubukid ng Hagonoy, St. Joseph Palay and Vegetable Farmers Association ng Calumpit, Sulivan Telapayong Association ng Baliwag, Vegetable Irrigators’ Association ng Bustos, Samahang Maggugulay ng Guiguinto, Sto. Nino Farmers Association ng Plaridel, Samahan ng  Bitungol Palayamanan ng Norzagaray, Samahan ng mga Magsasaka ng Buliran ng San Miguel, Meycauayan Farmers Multipurpose Cooperative at ang Mag-Asawang Sapa Palay, Corn and Vegetable Farmers Association ng Santa Maria. 

Ang Knapsack Sprayers ay ginagamit upang bugahan ng pataba ang mga itinanim binhi at punla gayudin upang mapuksa ang mga peste. Apat na mga units ng Shallow Tube Well ang tig-iisang ipinamahagi sa Alyansa ng mga Magsasaka at Maggugulay ng Tukod sa San Rafael, Frances Vegetable Grower Association ng Calumpit, Kaybanban Farmer’s Association Inc. sa San Jose Del Monte City, Vegetable Growers Association of Bocaue at ang Abulalas Multipurpose Cooperative. 

Isa itong kasangkapan na ibinabaon sa ilalim ng lupa upang makahigop ng tubig na kailangan sa pagdidilig ng mga gulay. 

Bukod dito, nagbigay din ng mga partikular na intervention materials sa lima pang mga samahan ng maggugulay. Kabilang diyan ang isang Power Spray unit para sa Gulod Farmer Association ng Santa Maria, isang Green House sa Kutad Lamesa Organic Vegetable Farmers Association ng Donya Remedios Trinidad, isang Screen House para sa Grains and Vegetable Farmers Association of Sapang Dayap sa San Ildefonso at San Roque Farmers Association sa Angat.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews