Siyamnapung hog-raisers na naapektuhan ng African Swine Flu (ASF) ang nabiyayaan ng tulong pinansyal sa ilalim ng ASF indemnification program ng Department of Agriculture nitong nagdaang Biernes sa Samal, Bataan.
Ayon kay Samal Mayor Aida Macalinao, bawat isa ay nakatanggap ng limang libong piso (Php 5000) sa bawat baboy na naapektuhan ng ASF ngunit limitado lamang sa hanggang dalawampung baboy kaya’t sa kabuuan, ang halaga ng benepisyong naipamahagi ay umabot sa mahigit limang milyon (Php 5,300,000.00).
Sinaksihan ang pamamahagi ng ayuda ng mga opisyal at personnel ng Department of Agriculture Region 3, Bataan Provincial Veterinarian Dr. Alberto Venturina, Municipal Agriculturist Ms. Nora Medina at mga kawani ng Municipal Agriculture Office.
Nagpasalamat si Mayor Macalinao sa lahat ng nagtulong tulong sa pag-oorganisa ng naturang aktibidad at sa pagsisikap na mabigyan ng karampatang tulong ang mga Samaleñong hog-raisers na naapektuhan ng kabuhayan ng dahil sa ASF.
Aniya, matagumpay na naipamahagi ang tulong pinansyal na ito dahil na rin Aniya sa paggabay ng programang Aksyon At Malasakit ng Samal LGU.
“Batid namin na napakahirap ng kanilang pinagdaanan dahil noong nangyari ang ASF ay siya naming sinundan ng pagpasok ng COVID-19 Pandemic. Taos puso po akong nagpapasalamat sa inyong maagap na Aksyon at walang humpay na Malasakit sa mga hinaing ng ating mga kababayang hog-raisers,” pahayag pa ng Alkalde.