LUNGSOD NG MALOLOS — May 1,825 jeepney driver ang nabiyayaan ng fuel subsidy mula sa pamahalaang lungsod ng San Jose del Monte.
Sa pamamagitan ng City Traffic Management-Sidewalk Clearing Operations Group, tumanggap ang bawat kasapi ng rehistradong Jeepney Operators and Drivers Association ng tig-dalawang libong piso fuel subsidy sa ilalim ng Stimulus Program for Special Sector-Fuel Subsidy Assistance for Drivers Program.
Ayon kay City Mayor Arthur Robes, binigyan nila ng ayuda ang mga jeepney drivers upang maibsan ang gastusin ng mga drivers at operators para makabangon sila sa pagsisimula ng kanilang pagpasada matapos mahinto ang kanilang operasyon dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine sanhi ng COVID-19.
Bago ito, nauna ng ipinamahagi ng Tricycle Regulatory Unit ang fuel subsidy na tig-1,000 piso sa may 4,758 tricycle for hire units na may lehitimong prangkisa na pumasada sa lungsod.