SBMA naglabas ng ₱204.7-M revenue shares 

Ipinamahagi ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang ₱204.7-milyong bahagi ng kita o revenue shares para sa walong kalapit na lokal na pamahalaan (LGU) na nakapaligid sa Subic Bay Freeport. Ang nasabing halaga ay bahagi ng limang porsyento na corporate tax na binayaran ng mga rehistradong negosyo sa Freeport mula Enero hanggang Hunyo 2024.

Ang pamamahagi ng mga kita ay pinangunahan ni Atty. Ramon O. Agregado, Senior Deputy Administrator for Support Services, sa ngalan ng SBMA Chairman at Administrator. Ang kabuuang halaga ng kita para sa unang kalahati ng taon ay bahagyang mas mataas kumpara sa ₱203 milyon na ipinamigay noong parehong panahon ng nakaraang taon.

Sa mga LGU na makakatanggap ng pondo, Olongapo City ang may pinakamalaking bahagi na aabot sa ₱47.8 milyon. Subic, Zambales naman ay makakatanggap ng ₱30.7 milyon, San Marcelino ₱24.5 milyon, Castillejos P18.6 milyon, at San Antonio ₱17.4 milyon. 

Para sa Bataan, Dinalupihan ay tatanggap ng ₱25.5 milyon, Hermosa ₱21.9 milyon, at Morong ₱18.1 milyon. 

Ang alokasyon ng mga pondo ay nakabatay sa populasyon (50%), lawak ng lupa (25%), at pantay na bahagi (25%). Dahil dito, Olongapo City ang tumanggap ng pinakamalaking pondo dahil sa laki ng populasyon nito na umabot sa 206,317 ayon sa census noong 2020. Ang mga revenue shares ay inilalabas dalawang beses sa isang taon—tuwing Agosto para sa unang semestre, at Pebrero para sa ikalawang semestre.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews