LUNGSOD NG MALOLOS- May kabuuang 3,314 estudyante mula sa lahat ng campus ng Bulacan Polytechnic College at iba pang pribadong kolehiyo at unibersidad ang tumanggap ng scholarship mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno nina Gobernador Daniel Fernando at Bise Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado sa pamamagitan ng 10-pax every venue daily distribution na ginaganap araw-araw sa ibat-ibang tanggapan.
Tatanggap ang mga estudyante nagtapos at kumukuha ng masteral ng halagang P5,000 per sem, P5,500 per sem para sa mga seminarista habang P3,500 na man ang tatanggapin ng mula sa mga private universities at colleges sa loob at labas ng lalawigan ng Bulacan. Tatanggap naman ang mga estudyante mula sa walong campus ng BPC kabilang ang Malolos Main, Bocaue, Obando, Angat, Pandi, San Rafael, Lungsod ng San Jose del Monte at San Miguel ng kanilang ‘Katibayan ng Pagiging Iskolar’.
Ayon kay Gob. Fernando, ang mga recipient scholar students ay inuumpisahan nang ipagkaloob sa pamamagitan ng daily distribution na aabot sa 300 estudyante kada araw at ito aniya ay 10-pax every venue ang pamamahagi upang ma-obserbahan pa rin ang social distancing sa pamimigay.
Pinayuhan ng gobernador ang mga esudyante na tapusin ang kanilang pag-aaral at pahalagahan ang mga sakripisyo ng kanilang mga magulang maipadala lamang sila sa paaralan.
“Walang magulang na naghangad ng masama para sa kanilang mga anak. Kaya naman sikapin ninyo na mapagtagumpayan ang inyong pag-aaral dahil hindi katulad ng materyal na bagay na nawawala at nauubos, hindi mananakaw ang ating edukasyon sa atin,” ani Fernando.
Napagalaman na kabilang sa mga mga kategorya na tatanggap ng scholar ay mula sa kategoryang masteral, privater schools, SHS grade 11 and 12 mula sa pampublikong paaralan, SUC at maging ang mga kukukuha ng board exams.
Kasabay nito ay namahagi rin si Pandi Mayor Enrico Roque ng tulong pang-edukasyon para sa mahigit 2,000 estudyante ng high school at colleges rito ng halagang P5,000 sa buong taon ng pag-aaral.
Ayon kay Roque, kailangang mapanatili ng mga estudyante ang mataas na grado upang hindi matanggal sa scholarship program ng pamahalaang lokal ng Pandi.
Nabatid na taon-taon ay nagsasagawa ng Scholars General Assembly ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan subalit dahil sa Covid-19 pandemic ay kanselado lahat ang mass gathering kung kayat gumawa ng paraan ang gobernador na ma-distribute ito sa mga estudyante.
Nabatid na mula 2010 hanggang 2020, nakapagbigay ang Pamahalaang Panlalawigan ng educational assistance sa mahigit 110,000 Bulakenyong estudyante sa pamamagitan ng programang “Tulong Pang-edukasyon para sa Kabataang Bulakenyo”.