LUNGSOD NG MALOLOS — Panauhing pandangal si Senador Richard J. Gordon sa pagdiriwang ng ika-120 Araw ng Kalayaan sa simbahan ng Barasoain.
Ayon kay Ruel Paguiligan, kurador ng Museo ng Republika ng 1899 na nakabase sa Barasoain, ang naturang simbahan ay kabilang sa pitong pangunahing lugar na pagdadausan ng mga programang pag-alaala.
Ang iba ay ang Museo ni Emilio Aguinaldo sa bayan ng Kawit sa Cavite, Rizal National Monument sa lungsod ng Maynila, Bonifacio National Monument sa lungsod ng Caloocan, Museo ng Katipunan sa lungsod ng San Juan, Museo ng Kasaysayang Panlipunan ng Pilipinas sa lungsod ng Angeles at Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion sa Manila North Cemetery.
Sa Barasoain nagkaroon ng bisa ang Kalayaang naiproklama sa Kawit noong Hunyo 12, 1898.
Nagkaroon ito ng legalidad o bisa nang niratipika ng Kongreso ng Malolos ang naturang proklamasyon noong Setyembre 29, 1898.
Isinagawa ito sa kanilang sesyon sa simbahan ng Barasoain na binuksan noong Setyembre 15, 1898.
Dahil sa nasabing ratipikasyon, ito ang nagbunsod upang maibalangkas at mapagtibay ang Saligang Batas ng 1899 noong Enero 21, 1899 hanggang sa pasinayaan ang Pilipinas bilang kauna-unahang Republika sa Asya noong Enero 23, 1899.
Ang Kalayaan 2018 ay naka-angkla sa temang “Pagbabagong Ipinaglaban, Alay sa Masaganang Kinabukasan.