LUNGSOD NG MALOLOS — Si Senador Imee R. Marcos ang nagsilbing panauhing pandangal sa pagdiriwang ng Ika-121 Taong Anibersaryo ng Pagbubukas ng Sesyon ng Kongreso ng Malolos sa makasaysayang simbahan ng Barasoain.
Sa kanyang mensahe, sinabi niya na kung mayroon mang malalim na aral ang Kongreso ng Malolos, ito ang pagtanggap na ang bawat isang Pilipino ay may obligasyon o papel sa kasaysayan.
Sa kanyang tinuran, ang katatapos na halalan noong Mayo 2019 at ang binuksang sesyon ng Kongreso ng Malolos noong Setyembre 15, 1898 ay may pagkakahawig.
Aniya, kung nagresulta ang nakaraang halalan sa maraming bagong halal o baguhang mga punong bayan o punong lungsod, punong lalawigan, kongresista at senador na gaya niya, ang mga delegado ng Kongreso ng Malolos ay mga baguhan din dahil iyon pa lamang ang kauna-unahang noong panahong iyon.
Gayun pa man, ayon pa Marcos, hinanap ng mga delegado ng Kongreso ng Malolos ang kanilang mga nararapat na papel upang itaguyod ang karapatan at kapakanan ng mga Pilipino noong 1898, matapos ang rebolusyon laban sa mga Kastila.
Una sa mga naging papel ng mga delegado ng Kongreso ng Malolos ang pagbibigay ng bisa iprinoklamang Kalayaan noong Hunyo 12 sa pamamagitan ng ratipikasyon nito.
Pangalawa ang pagbalangkas at pagpapatibay sa Saligang Batas ng 1898 na nagbigay ng iba’t ibang karapatang sibil sa mga Pilipino. Kabilang diyan ang karapatan sa edukasyon, makapili ng relihiyon, makaboto o maiboto, makapag-ari at makapagpahayag ng saloobin.
Pinakamalaki namang naging papel ng Kongreso ng Malolos ang pagtatatag sa Unang Republika ng Pilipinas sa bisa ng Saligang Batas ng 1899. Ito ang naglagay sa Pilipinas bilang kauna-unahang republika sa Asya.
Kaugnay nito, nagpaalala naman si Malolos City Mayor Gilbert Gatchalian sa mga Bulakenyo na kung ang mga delegado ng Kongreso ng Malolos ay nabigyan ng pagkakataon na maglingkod at ang iba ay kinikilalang mga bayani, ngayon naman aniya ang pagkakataon upang ang kasalukuyang henerasyon ay maging bayani.
Ito’y upang maranasan ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino ang mga biyaya ng Kalayaan na pinagtibay ng Kongreso ng Malolos.
Samantala, binigyang diin naman ni Gobernador Daniel R. Fernando na dapat gawing modelo at pamantayan ng kasalukuyang Kongreso, mga sangguniang panlalawigan, panlungsod at pambayad ang Kongreso ng Malolos upang tuluyan aniyang maipanalo ang panibagong laban sa kahirapan, karalitaan, kamangmangan at kagutuman.