Senior citizen na magpapabakuna tatanggap ng P2K cash incentive

PANDI, Bulacan — Patok ang isinagawang bakuna campaign ng lokal na pamahalaan ng Pandi, Bulacan kung saan ang bawat senior citizen dito na magpapabakuna ng Covid-19 vaccine ay makatatanggap pa ng ayuda na P2,000 cash.

Ito ang epektibong inisyatibo ni Pandi Mayor Enrico Roque kung saan maging nitong kasagsagan ng  bagyong Dante ay hindi nagpa-awat ang mga senior citizen upang tumungo sa vaccination center upang magpabakuna.

Bukod dito ayon sa alkalde ay dumagsa rin ang mga senior citizen na nagpaparehistro online at nagpapalista sa mga barangay para magpabakuna para maka-avail ng nabanggit na cash assistance.

Ang ayuda sa bakuna program ng pandi-LGU ay bunsod ng kagustuhan ni Mayor Roque na ang lahat ng senior citizen sa nasabing bayan ay tiyak na bakunado  para ligtas sa Covid-19 virus.

“Hindi tayo nakakasiguro kung kailan matatapos ang pandemiyang ito kaya naman gusto ko na ligtas ang bawat senior citizen sa bayan ng Pandi laban sa Covid at isusunod natin ang bawat Pandienyo na mabakunahan sa isasagawa nating mass vaccination,” ani Roque.

Ayon pa kay Roque ang dalawang libong piso ay manggagaling sa lokal na pondo ng bayan ng Pandi kung saan ito aniya ay matatanggap ng mga lolo at lola sa kanilang ika-2 dose ng bakuna.

Ang kabuuang bilang ng mga nakarehistrong senior citizen, ayon kay Mayor Roque ay umabot na sa 8,600 at meron nang 2,750 ang nabakunahan at ito ay 30% at inaasahang sa loob ng 15 araw at kung may sapat nang bakuna ay makumpleto nang bakunahan ang lahat ng senior.

Ani pa ng alkalde, “kung kaya’t patuloy po ang paghihikayat natin sa lahat ng ating mga senior citizen na magpabakuna. Kapanatagan at proteksyon po ang dulot ng bakuna sa ating mga lolo at lola. Lagi po ninyong tandan na mahal po namin kayo! Kaagapay po ninyo ang ating Lokal na Pamahalaan patungo sa tuluyang pagsugpo sa COVID-19.”

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews