Ipinasa na ng Sangguniang Panlalawigan ng Bataan ang kanilang unang ordinansa para sa taong 2023 na naglalayong tugunan ang mga alalahanin at pangangailangan ng mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) sa lumalaking workforce requirements ng lalawigan.
Ang “Bataan Senior Citizens and PWDs Workforce Integration Ordinance”, na isinulat at itinaguyod nina Provincial Board Members Jomar Gaza at Noel Joseph Valdecanas, ay ginagawang ilegal o labag sa batas para sa mga pribadong negosyo at ahensya ng gobyerno na tanggihan ang trabaho sa mga senior citizen at PWD na physically at mentally fit para sa trabahong kanilang inaaplayan, batay lamang sa kanilang edad o kapansanan.
Nakasaad sa ordinansa na inaprubahan ni Bataan Governor Joet Garcia nitong Enero 23, 2023, na magbibigay ng suporta ang gobyerno para sa pagpapabuti ng pangkalahatang kapakanan ng mga senior citizen at PWD at ang kanilang buong partisipasyon sa lipunan sa pamamagitan ng mga training program at capacity-building activities.
Ayon naman kay Vice Governor Cris Garcia, pormal ding kinikilala ng ordinansa ang pagsunod ng mga tanggapan ng pribado at gobyerno at nagbibigay ng mga kinakailangang insentibo na itinakda ng isang grupo na binubuo ng opisina ng senior citizens affairs, opisina ng social welfare and development, Public Employment Service Office, at provincial legal office.
Sinusuportahan ng ordinansa ang mga umiiral na batas gaya ng Senior Citizens Act, Expanded Senior Citizens Act of 2010, Anti-Age Discrimination in Employment Act, Magna Carta para sa PWDs, at Act Expanding the Benefits and Privileges of PWDs.