Bagamat malakas ang pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong ‘Jolina’ ay pormal na binuksan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang Singkaban Festival 2021 sa pamamagitan ng virtual event platform para sa promosyon ng mayamang pamana ng kultura ng probinsiya nitong Miyerkules sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Pormal na binuksan ang Singkaban Festival sa pamamagitan ng banal na misa na ginanap sa Nicanor Abelardo Auditorium sa Capitol Compound na sinundan ng ribbong cutting ceremony kaugnay ng nasabing weeklong activities kabilang ang Arc Exhibit, Bulakenyo Artists Art Exhibit, Museum Memorabilia Exhibit, Bulacan Festival Costume Expo at D’Fair: Bayanihan of Bulacan MSMEs (Tatak Bulakenyo 2021).
May temang ‘Paglingon. Paghilom. Pagbangon.’, iikot ang Singkaban Festival ngayong taon sa pagkintal ng pag-asa sa mga Bulakenyo at pagnanais na magpatuloy ang buhay habang inaalala ang naiwang makulay na kasaysayan ng lalawigan.
Sinabi ni Gob. Daniel Fernando na sa kahit anumang paraan, kakailanganin ng sangkatauhan na maghilom at magtuloy ng buhay mula sa pandemyang ito.
“Magdiriwang tayo kahit simple lang kasi sa panahon ngayon, humahanap dapat tayo ng pamamaraan kung paano aalalahanin at ipagdiriwang ang mahahalagang bahagi ng ating kasaysayan. Itong Singkaban, ipinagdiriwang natin para maipaalala sa lahat, na lingunin ‘yung mga masasaya, baunin natin para magamit natin sa paghilom ng lahat ng sakit na iniwan sa atin ng COVID-19. Upang sa ating pagbangon, may matatag tayong pundasyon,” ani Fernando.Samantala, lalagyan naman ng pananda ng Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office (PHACTO) ang apat na pamanang istruktura sa lalawigan bilang bahagi ng isang linggong pagdiriwang ng Singkaban Festival 2021.
Kabilang sa apat na istrukturang lalagyan ng pananda ang Simboryo ng Quingua na matatagpuan sa Plaridel, Bulacan sa Setyembre 8, 2021, 2:00 ng hapon; Aguas Potables sa Lungsod ng Malolos sa Setyembre 9, 2021, 9:30 ng umaga; Himpilang Daangbakal ng Guiguinto sa Setyembre 10, 2021, 9:30 ng umaga; at ang Himpilang Daangbakal ng Lungsod ng Meycauayan sa Setyembre 10, 2021, 11:00 ng umaga.
Sinabi ni Gob. Fernando na ang paglalagay ng panandang pamana ay hindi lamang magpe-preserba sa mga pamanang istruktura, nagbibigay daan rin ito para masulyapan ng mga susunod na henerasyon ang mayamang kasaysayan ng lalawigan.
“Alam natin na sagana ang ating lalawigan hindi lamang sa mga likas na yaman kundi pati na rin sa aspetong kultural. Ito pong ating mga pamanang istruktura ay napakahalaga sa ating kasaysayan sapagkat sila ang ating piping saksi sa mga pangyayari sa ating nakaraan na lalong nagpalago sa ating yamang pangkalinangan,” anang gobernador.Ang mga pamanang istruktura na lalagyan ng pananda ay produkto ng pagsasaliksik ng mga finalist ng SINEliksik Bulacan Docufest na may temang “Pamana ng Lahi, Yamang aking Ipagmamalaki” noong 2018.
Gaganapin din online sa Facebook, Zoom at Google Meet ang iba pang mga programa para sa isang linggong pagdiriwang ng Singkaban Festival.