Muling ipatutupad ng Metro Pacific Tollways Corporation o MPTC ang Safe Trip Mo Sagot Ko o SMSK motorist assistance program upang umalalay sa inaasahang pagdagsa ng mga motorista ngayong Undas.
Simula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2, magpapatupad ng karagdagang traffic management measures sa kahabaan ng mga expressway na sakop ng MPTC.
Kabilang rito ang North Luzon Expressway o NLEX, Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX, Cavite–Laguna Expressway o CALAX, at Manila–Cavite Expressway o CAVITEX.
Ayon kay NLEX Corporation President J. Luigi Bautista, paiigtingin nila ang kanilang operasyon dahil sa tinatayang 10 porsyentong pagtaas ng average daily traffic na aabot ng 278,000 na sasakyan sa NLEX at 71,000 sa SCTEX.
Mahigit sa 1,000 patrol crews, traffic marshalls, security teams, incident response teams, at toll lane personnel ang naka-deploy na agarang magbibigay ng assistance sa mga byahero.
Suspendido rin ang konstruksyon at lane closures sa mainline road ng NLEX-SCTEX maliban sa Candaba Viaduct na sumasailalim sa safety repairs, kung saan dalawang lane lamang ang mananatiling bukas.
Dahil limitado lamang ang kapasidad ng nasabang tulay, hindi papayagan ang mga class 3 na sasakyan mula hatinggabi ng Nobyembre 1 hanggang alas-12 ng tanghali ng Nobyembre 2.
Magpapatupad din ng counterflow scheme sa mga piling lokasyon sa NLEX northbound mula Oktubre 28 hanggang 31, at sa southbound mula Nobyembre 1 hanggang 2.
Kabalikat ng MPTC sa Safe Trip Mo Sagot Ko ang Department of Transportation, Toll Regulatory Board, at Land Transportation Office. (MJSC/VFC-PIA 3)