Tinututukan ng Bureau of Fire Protection o BFP Nueva Ecija ang pagpapahusay sa kasanayan ng mga kawani.
Ayon kay BFP Nueva Ecija Chief of Operations Senior Fire Officer III Victor De Guzman, bahagi ng BFP Modernization Act ang pagdaraos ng specialization training para sa mga kawani upang mapaunlad ang pagbibigay serbisyo ng hanay.
Kaakibat ng mga pagsasanay na ito ay ang pagbuo ng special unit sa lalawigan tulad ng Special Rescue Force na tututok sa mga rescue operation tuwing may kalamidad o sakuna gayundin ang Emergency Medical Services na aalalay sa pagbibigay lunas at Fire Arson Investigation Unit na mangunguna naman sa agad na imbestigasyon ng mga malalaking insidente ng sunog.
Ayon pa kay De Guzman, nasa 30 personnel mula sa buong lalawigan ang kasalukuyan nang nagsasanay ng Basic Rescue Technique Course.
Bukod sa mga pagsasanay ay nakapaloob din sa naturang batas ang pagbili ng mga makabagong kagamitan at pagsasaayos ng mga himpilan ng BFP na makatutulong hindi lamang sa pagtupad sa tungkulin ng bawat kawani kundi higit sa lahat ay para sa kapakinabangan ng mga mamamayan.
Nitong nakaraang buwan ay pinasinayaan ang bagong fire station at fire truck sa bayan ng Sta. Rosa samantalang nakalinya din ang mga pagsasaayos ng mga himpilan sa bayan ng General Tinio at Bongabon.
Pahayag ni De Guzman, patuloy ang pagbili ng mga firefighting equipment ng pamahalaan na hangad mapunan ang mga pangangailangan ng bawat istasyon sa buong lalawigan.
Ngayong Fire Prevention Month ay puspusan ang pagpapaalala ng BFP sa pamamagitan ng Oplan Ligtas na Pamayanan hinggil sa kahalagahan ng pag-iingat upang makaiwas sa anumang insidente ng sunog at pagkawala ng mga ari-arian. (CLJD/CCN-PIA 3)