LUNGSOD NG MALOLOS – Hinikayat ng Social Security System o SSS ang kabataan na tulungan ang mga kaanak na nakatatanda sa pagpasok at pagproseso sa mga transaksiyon sa ilalim ng ExpreSSS program.
Ayon kay SSS Malolos branch manager Albina Leah Manahan, ang ExpreSSS ay isang programa kung saan naka-online na lahat ang mga sistema sa paghuhulog ng kontribusyon hanggang sa pagkuha ng benepisyo.
Binuo ang sistemang ito upang hindi na lumabas ng bahay ang mga miyembro para sumadya sa mga sangay nito para lamang makipagtransaksiyon, lalo na ngayong may pandemya ng COVID-19.
Ipinaliwanag pa ni Manahan na bagama’t mas pinadali ang sistema sa pagkuha ng benepisyo sa unemployment, sickness at funeral, pati na sa pagkuha ng calamity at salary loans, nananatiling hamon pa rin sa ibang mga nakatatanda ang pagsusumite ng mga rekisito gamit ang online na sistema.
Kinakailangan aniyang maturuan ng mga kabataan na kamag-anak ng nakatatandang miyembro ang mga simpleng proseso mula sa pagbubukas ng www.sss.gov.ph para makita ang my.sss.
Doon makakapag-fill up ang miyembro para marehistro. Kapag nakapagrehistro na, doon makikita ang sariling record ng miyembro at pwede nang makipagtransaksiyon para sa isang partikular na benepisyo. Pwede ring dito isumite ang mga maternity at sickness notifications.
Kaugnay nito, para naman sa mga miyembro ng SSS na hindi pa batid ang umiiral nang sistema ng ExpreSSS, at sumasadya pa rin mismo sa mga sangay nito, nagtalaga ng mga E-Center sa lahat ng mga sangay nito.
Doon maaring makapagbukas ng website para makapasok sa my.SSS upang makapagtransaksiyon.
Bukod dito, dahil iniiwasan nga ang personal na pakikisalamuha sa pagitan ng mga miyembro at alinsunod din sa mga patakaran ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), 50 porsyento lamang ng mga empleyado ng SSS Malolos ang halinhinang pumapasok.
Kaya’t ang nalalabing 50% na empleyado ay naka-work from home na pwedeng tawagan ng mga employers sa numerong 0943-580-7085. Kung ang pakay naman ay tungkol sa mga pangangailangan ng indibidwal na miyembro, pwedeng tawagan ang mga numerong 044-896-3325, 0932-289-9169, 0965-368-4264, 0932-906-0146 at sa 0931-102-0184 mula araw ng Lunes hanggang Biyernes sa mga oras na alas-8 ng umaga hanggang 12 ng tanghali, at mula ala-1 hanggang alas-5 ng hapon.
Kaugnay nito, mayroon ding email address ang SSS-Malolos para sa mas nadadalian sa ganitong sistema ng pagsusumite ng mga rekisito na pwedeng ipadala sa [email protected].
Pwede ring maghulog ng mga dokumento sa itinalagang drop box sa tapat ng sangay ng SSS Malolos na matatagpuan sa Cabanas Economic Zone sa barangay Longos.