Nilinaw ng Social Security System (SSS) na ang pagtaas ng kontribusyon sa ilalim ng Batas Republika 11199 o Social Security Act of 2018 ay hindi ipatutupad sa Marso 5 2019, salungat sa mga naiulat sa media.
Ipinaliwanag ng SSS Management na magiging epektibo ang batas bukas, Marso 5, 2019, ngunit hihintayin pang maaprubahan at mailathala ang Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa tamang pagpapatupad ng batas lalo na sa mga bagong probisyon nito.
Batay sa nailathalang kopya ng SS Act of 2018, binigyan ang Social Security Commission (SSC) nang hindi lalagpas sa 90 araw matapos na maging epektibo ang batas o hanggang Hunyo 3, 2019 upang gumawa at maglathala ng IRR.
“The Commission shall promulgate the necessary rules and regulations to implement this Act not later than ninety days after its effectivity,” ayon sa Sec 30 ng RA 11199.
Nanggaling ang maling ulat mula sa isang interview sa tagapagsalita ng SSS sa isinagawang Public Forum on SS Act of 2018 sa Cebu noong nakaraang Biyernes kung saan ang isang mamamahayag ay nagtanong kung kailan magiging epektibo ang nasabing batas.
“Ang maling impormasyon mula sa nasabing ulat ay maaaring magdulot ng pag-aalala sa aming mga miyembro lalo na sa mga employers na hindi pa naaabisuhan ng mga patnubay ng bagong batas. Nakikiusap kami sa aming mga kaibigan sa media na siguruhing tama ang balita tungkol sa ahensya, lalo na sa bagong SS Act of 2018,” sabi ng SSS sa isang pahayag.
Nagsagawa ang SSS ng public forum sa Cebu noong nakaraang Biyernes upang maipaliwanag sa mga stakeholders nito ang mga probisyon ng batas pati na ang IRR na kasalukuyang binabalangkas. Nakatakda din ngayong hapon ang public hearing sa SS Act of 2018 sa SSS Main Office sa Quezon City.