SSS sa mga employer: Hulugan ang kontribusyon ng lahat ng uri ng empleyado

Obligasyon ng mga employer na bayaran o hulugan ang kontribusyon sa Social Security System (SSS) ng kani-kanilang mga manggagawa, anuman ang estado ng pagka-empleyo.

Iyan ang binigyang diin ni Luzon Central 2 Division Vice President Gloria Corazon Andrada sa ginanap na Run After Contribution Evaders (RACE) operation sa SSS Baliwag branch.

Bunsod ito ng pangangatwiran ng ilan sa mga delinquent employer na nabisita ng ahensya na hindi na anila hinuhulugan ang mga empleyadong nasa “project-based”. 

Iligal aniya na hindi hinuhulugan ng isang employer ang kontribusyon ng isang manggagawa na na nagtatrabaho o nagbibigay ng serbisyo sa isang partikular na establisemento o kompanya, anuman ang estado ng pagka-empleyo.

Ang obligasyon na ito ay mas pinalakas sa umiiral na Republic Act 11199 o ang SSS Act of 2018.

Sa serye ng RACE operation ng SSS Baliwag branch sa Pulilan, may mga manggagawa na hindi hinuhulugan ng kanilang employer ng kontribusyon sa dahil sila’y itinuturing na “pinatawag”, “part-time”, at “project-based”.

May walong mga delinquent employers ang tinutukan ng SSS Baliwag branch sa October series ng RACE. 

Apektado rito ang benepisyo ng 112 na mga manggagawa partikular sa mga bayan ng Pulilan at Plaridel. 

Aabot sa P4.2 milyon ang halaga ng kontribusyon na hindi nito naihulog.

Kabilang ang walong ito sa 3,556 na mga delinquent employer na nakabase sa San Miguel, San Ildefonso, San Rafael, Bustos, Baliwag, Pulilan at Plaridel na pawang nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng SSS Baliwag branch. 

Aabot ang kanilang delinquencies sa P249.9 milyon mula Enero hanggang Agosto 2023.

Sa ulat ni SSS Baliwag branch Acting Head Chelin Lea Nabong, nasingil na ang P25.49 milyon mula sa nasabing delinquency amount. 

Iba pa rito ang nakolektang P478.54 milyon mula sa mga employers at indibidwal na regular na naghuhulog ng kontribusyon.

Natamo naman ng SSS Baliwag branch ang kabuuang 75 porsyentong average of compliance dahil nakasingil ito ng P2.8 milyon mula sa P13.8 milyon na hindi naihuhulog ng nasa 20 delinquent employer.

Ito ang resulta ng idinaos na mga serye ng RACE operation noong Mayo 2, 2022; Setyembre 9, 2022; at Mayo 25, 2023.

Kaugnay nito, patuloy na iniaalok ng SSS sa nasabing mga delinquent employers na bayaran ang mga obligasyon sa pamamagitan ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program.

Nangangahulugan ito na ang pababayaran na lamang ng SSS ay ang principal at interest. Hindi na sisingilin ang mga penalties.

Samantala, pinaalalahanan muli ni Andrada ang mga delinquent employers na kung hindi matutugunan ang kanilang obligasyon sa loob ng 15 araw mula nang makatanggap ng demand letter mula sa SSS, malaki ang posibilidad na mahantong ito sa pagsasampa ng kaso.

Mas malaki aniya ang magagastos ng isang delinquent employer kung mahahantong sa tuluyang pagkakahabla sa hukuman, kumpara sa hindi pagbabayad o paghuhulog ng kontribusyon para sa kani-kanilang mga empleyado.

Direktang nakasalalay dito ang mga benepisyo na maaaring makuha sa SSS ng isang manggagawa sa pribadong sektor sakaling siya’y manganak, mawalan ng trabaho, magretiro, magkasakit, mabaldado, mamatay at hanggang mailibing. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews