Hinikayat ng pamahalaang bayan ng Sta. Ignacia sa Tarlac ang mga residente nito, partikular ang mga mag-aaral, na magpa-booster shot kontra COVID-19.
Ayon kay Mayor Nora Modomo, target nila na maturukan ng booster shot ang mga estudyante bilang dagdag proteksyon kaugnay ng pagbubukas ng face-to-face classes.
Aniya, nakikipag-ugnayan na rin ang lokal na pamahalaan sa mga eskwelahan upang maipaliwanag sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng pagbabakuna.
Giit ni Modomo, tuluy-tuloy ang pagbabakuna sa mga naka-schedule na barangay at sa iba pang vaccination sites ng munisipalidad.
Ipinahayag niya na maaari nang tumanggap ng ikalawang shot ng booster ang mga nalapatan ng first shot sa nakalipas na lima o anim na buwan.
Paalala ng alkalde, hindi pa tapos ang pandemya kung kaya’t kinakailangan na maging maingat at maagap ang bawat isa para maiwasan ang pagdami ng kaso ng COVID-19.
Samantala, iniulat ni Modomo ang mataas na bilang ng mga indibidwal, edad 20 pataas, na nakatanggap ng booster shot.
Upang mas mahikayat ang mga residente, ipinaliwanag ni Modomo na binibigyan ng raffle stub ang bawat indibidwal na magpapabakuna o magpapa-booster shot.
Maaaring manalo ng 2,000 piso ang mabubunot sa raffle draw na isinasagawa kada dalawang linggo. (CLJD/TJBM-PIA 3)