Strict health protocols sa FIBA Asia Cup qualifiers sa Clark tiniyak

Tiniyak ng Bases Conversion and Development Authority o BCDA ang pagpapatupad ng strict health protocols sa idaraos na FIBA Asia Cup qualifiers sa Clark sa susunod na buwan.

Sinabi ni BCDA President and Chief Executive Officer Vince Dizon na nakikipag-ugnayan na sila sa Clark Development Corporation, Samahang Basketbol ng Pilipinas, pambansang pamahalaan, pamahalaang panlalawigan ng Pampanga at pamahalaang lungsod ng Angeles upang tiyakin ang maisasagawa ang mga nararapat na preparasyon sa pagbibigay ng ligtas na sports bubble environment sa mga kalahok.

Aniya, malaking bagay ang paghost ng Clark sa isinagawang PBA Philippine Cup bubble noong nakaarang taon para sa paghahanda para sa international event na ito.

Batay sa napagkasunduan, magiging limitado ang galaw ng mga manlalaro, coaches at staff sa airport, mga hotel at sa Angeles University Foundation Sports and Cultural Center kung saan idaraos ang mga laro mula ika-16 hanggang 20 ng Hunyo.

Clark ang masisilbing host ng FIBA Asia Cup qualifiers para sa Group A na binubuo ng Pilipinas, South Korea, Thailand at Indonesia, Group B na kinabibilangan ng Chinese Taipei, Japan at China at Group C kung saan kasama ang Hong Kong at Guam.

Layunin nila na makakuha ng slots para sa tournament proper na nakatakda sa Jakarta, Indonesia mula ika-16 hanggang 28 ng Agosto.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews