Stringent Social Distancing, mahigpit na ipinapatupad sa Malolos

LUNGSOD NG MALOLOS — Mahigpit na ipinapatupad sa Malolos ang Stringent Social Distancing kasunod nang pagpapalabas ng Executive Order 23-2020 ni Mayor Gilbert Gatchalian.

Ito ay nag-uutos sa lahat ng mga bangko, money transfers, groceries, food centers, retailers at drug stores sa lungsod na magkaroon ng mga istratehiya upang hindi magkaroon ng sobrang haba ng pila. 

Bagama’t naipapatupad sa mga groceries, retailers at mga drug stores ang social distancing, nagkakaroon ng kumpulan ng mga tao sa mga bangko at money transfers.

Ayon kay Gatchalian, ang Malolos bilang kabisera ng Bulacan ay kinaroroonan ng pinakamaraming bilang ng mga sangay ng mga bangko, money transfers at iba pang gaya nito. 

Ngayong umiiral ang Enhanced Community Quarantine, patuloy aniya itong dinadagsa ng mga Malolenyo upang makapag-withdraw, makapagpapalit ng pera, makapagsangla at anumang transaksyon kaugnay ng mga pangangailangang pananalapi. 

Kaya’t upang hindi na magdulot nang paghaba ng mga pila at pagkakakumpul-kumpol ng mga tao, iniutos sa mga bangko at mga money transfers na maglagay ng schedule ng mga partikular na transaksyon. 

Para sa mga tatanggap o recipients, pwedeng ipadaan muna sa text messages kung maaari nang makuha ang padala.

Kung magpapadala naman ng pera, maaaring gawin ito sa pamamagitan ng official page ng establisemento sa social media at padalahan ng kumpirmasyon sa pamamagitan naman ng text messages.

Para sa mga bangko, kinakailangang ipatupad ng mga security personnel ang isang metrong agwat sa pila sa mga transaksiyon.

Kaugnay nito, ipinag-uutos ng executive order ng punong lungsod ang pagbubukas ng lahat ng sangay ng mga bangko at mga money transfers sa Malolos, upang maiwasan ang kumpulan sa mga limitadong establisemento.

Kailangan ding sundin ang regular banking hours at money transfer hours upang hindi gahulin sa oras ang kapwa mga customer at mga kawani nito. 

Ipapatupad ang mga kautusang ito ng Tanggapan ng Panglungsod na Tagapangasiwa. Pagkakatanggal ng business permit ang magiging parusa sa establisementong lalabag dito.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews