SUBIC BAY FREEPORT- Dalawang fast patrol boats ang inagurahan kanina ng Bureau of Customs -Port of Subic upang palakasin pa ang seguridad ng mga border laban sa pagpasok ng mga iligal at ipinagbabawal na produkto sa bansa.
Pinangunahan nina Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Rolen C. Paulino at Port of Subic District Collector Maritess T. Martin ang inagurasyon at paglunsad ng dalawang fast patrol boat na ginanap sa Watercraft Venture Corporation Facility dito.
Ayon kay Collector Martin ang mga sasakyang pagdagat na pinangalanang FPB No. 5 at FPB No. 6 ay may sukat na 12.7 metro at may tatlong makina na kayang tumakbo sa tulin na 45 knots o katumbas ng 83.34 KPH.
Gagamitin ang mga sasakyan ito upang palakasin pa umano ang border security at pagpapatupad ng batas sa makasaysayang Subic Bay at gayundin sa Bataan-Zambales waters upang mabilis na mapigil ang smugglers sa pagpasok ng mga kontrabando sa bansa.
Samantala, sinabi naman ni Customs SP/Captain Vincent Mark S. Malasmas, District Commander, ESS-CPD, na ang mga bagong patrol boats ay magpapalakas sa kakayahan ng BoC sa intelligence and enforcement border security capability laban sa mga smuggler at anti-social fraud.