IDINULOG nina Bulacan Gov. Daniel R. Fernando at Vice Gov. Alexis C. Castro sa ginanap na Committee Hearing sa Kongreso ang kanilang apela na tulungan ang probinsiya na matugunan ang matagal nang suliranin sa pagbaha na kamakailan lamang ay pinalubog sa baha ang nasa 200 barangay sa lalawigan.
Kasama ng dalawang mataas na opisyal ng Bulacan ang mga kinatawan ng mga pangunahing ahensiya ng kapitolyo ay dumalo ang mga ito sa ginanap na pagpupulong ng Technical Working Group Meeting ng House Committee on Public Works and Highways.
Nanawagan ang gobernador sa mga miyembro ng House of Representatives para i-prioritize ang mga filed bills kaugnay ng mga komprehensibong solusyon sa dekada nang problema sa baha sa nasabing probinsiya.
Sa pamamagitan ng tulong mula sa puwersa ng Kongreso ay mapapabilis umano ang pagpasa ng mga inihaing batas para sa agarang pagtugon ng national government dahil sa lumalala at tumitinding pagbaha taon-taon.
Isa sa nakikitang solusyon sa pagbaha ni Fernando ay ang pagtatayo ng mega dike sa tatlong lalawigan ng Bulacan, Pampanga at Bataan.
Samantala, pabor naman sa mega dike at nagpahayag ng suporta rito si Senador Joel Villanueva makaraang bumisita ang senador nitong Martes (August 1) sa bayan ng Calumpit, Paombong at Hagonoy at namahagi ng relief goods sa 2,500 flood victims na lubhang naapektuhan ng mataas na tubig-baha.
“I am in full support with the governor natin dito sa Bulacan and other governors sa Bataan at Pampanga yung mega dike importante po yan, but at the same time it should be part of the overall part of the master plan ng pamahalaan para talagang sugpuin ang pagbaha,” wika ni Villanueva.
Sinabi pa ng senador na ang flood problem situation sa Bulacan at karatig lalawigan nito ay perennial problem na dapat i-prioritize ng gobyerno na masolusyunan.
Nabatid na July 24, 2023 ay nai-file ni Villanueva ang Senate Resolution No. 693 para tingnan at pag-aralan ang plano at programa ng gobyerno sa flood protection program and urban drainage system sa bansa.
Ang panukalang mega dike project ay sama-samang proyektong iminumungkahi ni Fernando kasama sina Governor Dennis Pineda ng Pampanga at Gov. Joet Garcia ng Bataan.
Maging sina Congressman Boy Cruz ng 5th District at Malolos City Mayor Christian Natividad ay pabor din sa pagkakaroon ng sea wall o mega dike na siyang pipigil sa high tide.
Nabatid kay Natividad na ang coastal area ng bayan ng Hagonoy, Paombong, Bulakan, Calumpit at Malolos ay direktang pinapasok ng tubig o high tide galing sa Manila Bay na ilang dekada nang sakripisyo ng mga residente rito.
“Panahon na para bigyan ito ng pansin ng ating gobyerno, definitely a long term solution para matugunan ang flood problem situation ay ang pagkakaroon ng mega dike ,” ani Natividad.
Bukod sa mega dike, para kay Cong. Cruz malaking tulong din ang pagtatayo ng river bank protection, mga floodgates at pumping stations naman para sa mga low-lying areas na hindi na makakasabay sa mga upgraded drainage system.
Nais rin ng Gov. Fernando ang tulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan ay maglalabas siya ng Executive Order para sa local municipalities and cities na mapabilang ang nasabing ahesiya sa mga hihingan ng clearance ng mga magtatayong subdivision, planta, warehouse na magtatambak o makakaapekto sa mga katabing creek o ilog at dapat ay mayroong proper drainage system.
Para naman kay District Engineer Henry Alcantara ng DPWH Bulacan First District Engineering Office, dapat pagtuunan ng pansin ay ang dredging o paghuhukay sa mga ilog na kung saan ay halos mga mababaw na at barado.
“it is time for a dredging, kailangan talagang hukayin na ang mga ilog kasi silted na, need an upgraded and proper drainage system from the national roads to local down to tributaries of rivers,” ayon kay Alcantara.
Dagdag pa ni Alcantara, may mga proyekto na ng pumping stations at river wall protection na itatayo sa Guiguinto at Malolos para sa taong 2024 na kabilang sa project nina Kinatawan Cruz at Domingo.
Bago ang committee hearing sa kongreso ay nagpulong sina Cong. Domingo kasama sina Bulacan 1st District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways sa pamumuno ni DE Henry Alcantara, ADE Brice Hernandez at mga division chief nito, kasama si Provincial Engineer Glenn Reyes, upang talakayin ang malawakang pagbaha sa Unang Distrito ng Bulacan lalo na noong kasagsagan ng habagat at bagyong Egay.
Kasama sa mga napag-usapan ang kinakailangang pagpalinis sa mga drainage canal at pagsigurong walang obstruksyon sa pagtakbo ng mga ito, at pagtukoy kung saan ilalagay ang mga flood gates at pumping stations sa iba’t-ibang bayan ng Distrito para agarang maibsan ang suliraning dulot ng pagbaha.