LUNGSOD NG BALANGA (PIA) — Sinigurado ng National Food Authority o NFA na may sapat na suplay ng bigas sa Bataan na aabot hanggang Hulyo.
Ayon kay NFA Provincial Manager Antonio Puno, nasa humigit-kumulang 15,000 sako ng bigas ang tala nila sa kanilang imbentaryo sa kanilang bodega na matatagpuan sa lungsod ng Balanga.
Ang kasalukuyang imbentaryo ng bigas ay nakalaan muna sa ngayon para sa mga lokal na pamahalaan sa lalawigan habang nasa Enhanced Community Quarantine o ECQ.
Binigyang-diin ni Puno na mayroon pang mga palay na ginigiling ang mga rice millers na makapagbibigay pa ng karagdagang 40,000 sako bago sumapit ang katapusan ng Mayo.
Ani pa ni Puno, nakahanda ang kanilang opisina kung sakaling palawigin pa ang ECQ dahil tinitiyak ng kanilang regional office na maaring mag-angkat mula sa karatig lalawigan kung hindi sasapat ang suplay.
Dagdag pa niya, bukas ang kanilang opisina para sa mga magsasakang gustong ibenta ang kanilang aning palay. Bibilin ito ng NFA sa halagang 19 piso kada kilo.
Sa isinagawang Rektang Warehouse Visit ng Bataan Police Provincial Office ngayong araw, nasaksihan ni Police Provincial Director PCol. Jesus Rebua ang sako-sakong bigas na naka imbentaryo sa bodega ng NFA.
Tiniyak naman ni Rebua na ang buong bodega ay patuloy na pinapatrolyahan ng kapulisyahan upang masiguradong hindi ito mapapasok ng makakaliwang grupo.
Ang Rektang Warehouse Visit ay programa Police Regional Office 3 na naglalayong bisitahin ang mga bodega ng bigas sa Gitnang Luzon upang tiyakin ang seguridad ng lugar.