Survey ng DAR sa Litton Property, bigo!

Nabigo ang Department of Agrarian Reform (DAR) na isakatuparan ang pagsa-survey sa Litton Property na nasa Barangay Sumalo, Hermosa, Bataan nitong Martes, Enero 25, 2022.

Ito ay sa kabila ng pagtutulak ng grupong pinamumunuan ni Barangay Captain Rolando Martinez na naghahangad na mapasakanila ang pag-aaring lupa ng mga Litton sa pamamagitan ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Sa paghaharap ng DAR at Riverforest Development Corporation (RDC), kinilala ni Benedict de Mesa, pinuno ng 11-contingent ng DAR, ang umiiral na land dispute sa Sumalo at nilinaw niyang ang gagawing survey ay magtatapos lamang sa generation ng certificate of land ownership award (CLOA) at wala pang magaganap na installation ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs).

Mariin naman itong kinontra ni Dani Beltran, estate and community development manager ng RDC, at ipinakita ang isang resolusyon na inilabas ng Court of Appeals Special 12th Division noong December 3, 2020 na pumipigil sa grupo ni Martinez at iba pang stakeholders, kabilang ang DAR, sa paggawa ng aksyong makakaapekto sa usaping dinidinig ng korte.

Ayon sa resolusyon ng CA, “respondents are directed to… refrain from doing acts that may render the issue moot and academic.”

Hanggang sa ngayon ay hinihintay pa ang pinal na disisyon ng korte sa usapin.

Ipinaalala din ng RDC na bago pa man naglabas ng notice of coverage ang DAR noong 2014 na ipinapailalim ang Litton property sa CARP ay mayroon nang Supreme Court decision noong 2006 na pumapabor sa planong conversion at pagpapaunlad ng lupa ng Sumalo.

“Ito ang gusto kong marinig. Malinaw na ang lahat ng mga pinapalaganap na balita ni Martinez tungkol sa DAR ay pawang kasinungalingan,” ayon kay 73-taong gulang na si Pol Apable na nakasaksi sa ginawang pagharang ng RDC sa DAR sa isasagawang survey.

Bago ang bigong pagpasok, ipinagmalaki ni Martinez ang planong paghahati-hati at pagdi-distribute na ng lupa sa Sumalo. Nagsimula na silang magplano kung paano diumano papasukin at sisirain ang mga bakod ng Litton property.

May mga naiulat na rin ng pananakot at pangha-harass na ginagawa ang mga tauhan at kamag-anak ng kapitan laban sa mga residenteng kumokontra sa pagsa-survey ng DAR.

Bilang pagpapakita ng pagtutol sa plano ng kapitan, mahigit 100 residente ng Sumalo ang nag-boluntaryong bantayan ang bakod na inilagay ng RDC bilang proteksyon laban sa pre-mature entry o iligal na pangangamkam ng lupa ni Kapitan.

“Nagtataka kami. Bakit ang mga lupang agrikultural ay nagiging subdivision at mall?, pero ang lupa ng Sumalo na sinasabi ng ating mga ninuno na hindi naman talaga produktibo ay siyang pilit na ipinapailalim sa agrarian reform program ng DAR?,” tanong ni Rufina Lingad, anak ng caretaker ng mga Litton mula pa noong 1940s.

“Minamadali nila Kapitan Martinez ang survey dahil gusto na nilang pakinabangan ang lupa ng mga Litton, pero hindi para pagtaniman at gawing agrikultural kundi para pagka-perahan… marami sa grupong iyan ni Kapitan ay nagbebenta ng lupa, at tiyak na ibebenta lang rin nila ang lupa kapag naagaw na nila sa mga Litton,” ayon naman kay Rebel Camiling. “Ang masaklap, ginagamit pa nila ang DAR.”

“Gusto na rin naming maipamahagi ang lupa ng mga Litton. Pero iyan ay ang pamamahagi ng lupang aming tinitirhan na ipinangako ng mga Litton. Hindi iyan maisasakatuparan hangga’t hinaharang ni Kapitan ang programa ng mga Litton na mas marami sanang taga-Sumalo ang makikinabang,” ayon naman kay Reneboy Aniciete, isa sa mga lider ng bagong tatag na Utol ng Sumalo.

Sa pangunguna ni Ernesto Cabigting, provincial chairman ng AMMMA-Katipunan, nagpahayag na rin ng suporta ang malalaking grupo ng mga magsasaka sa Bataan sa paglalantad ng paggamit ni Martinez sa CARP para sa kanyang sariling kapakanan.

Sa Facebook post ng tagapangulo ng Pulang Lawin Farmers Association sa Hermosa at Dinalupihan, tahasang sinabi ni Rey Rentoza na, “…kahit kailan (ay) di kami makikiisa sa kapitan na hindi magandang huwaran para sa bayan ng Hermosa. Kapitan Martinez, magbago ka. Huwag mong igaya sa ‘yo ang nasasakupan mo… wag kang magdadamay ng mga magsasaka. Hindi ka magsasaka!”

Matapos ang nabigong pagsa-survey ng DAR, napag-alamang nagpalaganap ang grupo ni Martinez na diumano’y “nabayaran ang mga taga-DAR kaya hindi itinuloy ang survey.”

Batay dito, sinabi ni Alona Apable, tagapangulo ng KABISIGKA-Sumalo, “Ganyan naman talaga ang grupo ni Martinez… kapag mayroong nanindigan sa katotohanan, ang sasabihin nila –nabayaran! Iyon lang ang tanging depensa nila, ang patuloy na maglubid ng kasinungalingan.”

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews