Suspek sa pagpatay kay Princess Dianne iniharap sa media

IPRINISINTA kamakalawa ng gabi nina Governor Daniel Fernando at Bulacan PNP acting director Col. Charlie Cabradilla sa mamamahayag ang sinasabing suspek sa pagpaslang sa lady engineer na natagpuang naaagnas na sa madamong lugar sa Barangay Tikay, Malolos nitong nakaraang Martes, Hulyo 5.

Ang inarestong Person Of Interest (POI) ay kinilalang si Darwin De Jesus na nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Bulacan PNP, Malolos City Police at Guiguinto Police sa isang paupahang bahay malapit sa tirahan ng biktimang si Princess Dianne Dayor, 24-anyos residente ng Barangay Tabang, Guiguinto, Bulacan.

Nauna rito, 48-oras lamang ang binigay ni Fernando kay Col. Cabradilla para ma-solve ang Dayor slay case para mabigyan ng hustisya ang pamilya ng biktima.

Ayon kay Cabradilla, dalawang araw walang tulog ang mga kapulisan ng Malolos City Police at Guiguinto Police para tugisin ang suspek na nagresulta sa agarang pagkaka-aresto ng suspek.

Nabatid na isa sa pangunahing dahilan sa pagkaka-aresto ng suspek ay ang pahayag ng tatlong reliable witnesses na nakipagtulungan sa pulisya para madiin ang suspek sa asabing krimen.

Pinasalamatan at pinuri ni Fernando ang Bulacan PNP sa mabilis na responde at action gayundin sa mga nagbigay ng reward at nagtulong-tulong upang ma-solve ang kaso ni Dayor.

Binanggit din ni Cabradilla na malaking tulong din sa imbestigasyon ang pabuya na ipinagkaloob nina MalolosCity Mayor Christian Natividad, Cong. Ambrosio “Boy” Cruz Jr. at Guiguinto Mayor Agatha Cruz na umabot sa P.5-million.

Itinanggi naman ng suspek ang krimen at sinasabing wala siyang kinalaman sa akusasyon.

Si Dayor ay nawala noong July 2 habang papasok sa kaniyang trabaho at mula noon ay hindi nakabalik hanggang sa matagpuan na itong isang bangkay at naaagnas na sa isang madamong bakanteng lote.

Base sa mediko legal, sa sakal namatay ang biktima gamit ang strap ng slim bag nito.

Kasalukuyang nakapiit sa Malolos City Police ang suspek at inihahanda na ang kasong “robbery hold-up with homicide” laban dito.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews