DAHIL sa tuloy-tuloy at masusing imbestigasyon ng kapulisan, inamin na ng suspek na si Darwin De Jesus ang pagpaslang nito sa lady engineer na si Princess Dianne Dayor na natagpuang naaagnas sa isang madamong lote noong July 5.
Sa report ni PLtCol. Ferdinand Germino, hepe ng Malolos City Police na siyang humahawak ng kaso kay Bulacan PNP acting director Col. Charlie Cabradilla, Sabado ng hapon ay napilitin nang aminin ng suspek ang nagawang krimen.
Inamin ng suspek ang krimen sa mga tumatayong abogado nito na sina Atty Eunice Zulueta, Atty. Mary Jane Sabangan at Atty. Ted Saludo.
Ang pagtayo ng mga abogado sa panig ni De Jesus ay upang ilahad at patunayan na hindi fallguy ang naarestong suspek.
Ang nagbunsod sa pag-amin ng suspek ay ang di maatim ng konsensiya nito sa nagawang krimen. Dito na inisa-isa ng suspek ang mga detalye ng kaganapan.
Ayon sa suspek galing umano ito sa inuman at sa nasabing lugar ay plano nitong mang holdap sa sino man ang dadaan sa lugar na yun at si Princess Dianne na nga ang natiyempuhan.
Base pa sa salysay nito, kinalawit niya sa leeg ang biktima at dahil sa tangkang sumigaw ay napadiin ang pagsakal na naging dahilan ng pagkasawi ng biktima.
Itinuro na rin ng suspek ang mahahalagang kagamitan ng biktima na nasa bahay pa nito at ang cellphone na ibinenta sa maunlad Mall sa Malolos.
Kasunod nito, ayon kay Germino, narekober ng mga tauhan ng Malolos police ang mga identification card ni Dayor sa bahay na tinutuluyan ng suspek kabilang ang bank ATM’s, company ID, government ID at mga litrato ng biktima makaraang magsagawa doon ng search operation.
Ang mga salysay at mga detalye ay kusang loob na ipinahayag ng suspek sa Extra Judicial of Confession na pirmado ng suspek.
Ang pagkakalutas sa krimen ay dahil sa mga lumutang na testigo na umanoy nakakita sa suspek nang isagawa ang brutal na pamamaslang. Naging tulong na rin ang P.5-milyong pabuya na inilaan para sa makapagtuturo sa suspek.