Tatlong Korean nationals ang kabilang sa limang katao na nasawi matapos sumalpok ang sinasakyan nitong Sports Utility Vehicle (SUV) sa kasalubong na truck sa kahabaan ng Dona Remedios Trinidad Highway sakop ng Barangay Sabang, Baliwag City kahapon ng madaling-araw, (Miyerkules).
Sa report na tinanggap ni PCol Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office (PPO), kinilala ang mga nasawing biktima na sina Miseon Kim, Park Misoon, at Jinoh Kim, pawang mga Korean nationals; Rosalinda Capinlac, residente ng Brgy. San Vicente, Llanera, Nueva Ecija, at Allen Arucan Bulandos, ng Brgy. Poblacion, Talavera, Nueva Ecija.
Sugatan din ang dalawa pang kasamahan ng mga ito na sina Geraldine Capinlac at isang Theresa Adio, pawang mga nasa hustong gulang.
Base sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang malagim na trahedya bandang alas-2 a.m. habang ang mga biktima ay lulan ng Toyota Fortuner na may plakang ABA-9888 na minamaneho ni Bulandos at binabagtas ang nasabing highway mula sa south lane nang sumalpok ito sa kasalubong na Sino Tractor Head truck na may plakang NEG 7896 galing north lane na minamaneho naman ni PJ Salaysay Calma, 34, ng Candaba, Pampanga.
Nabatid na bigla na lamang kinain ng Fortuner ang kabilang lane na hinihinalang nakatulog ang driver at hindi na naiwasan ang paparating na trak kaya naganap ang head-on collision na ikinasawi ng lima sa pitong sakay ng SUV.
Agad na isinugod sa Baliwag District Hospital ang mga biktima kung saan lima sa mga ito ay binawian ng buhay bandang alas-4:40 ng umaga habang sina Capinlac at Adio ay kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa Bulacan Medical Center, sa Malolos City.
Nasa kustodiya naman ng Baliwag City Police ang driver ng trak na si Calma, 34 years old, a resident of Brgy. Mangga, Candaba, Pampanga is now under the custody of Baliwag City PS for proper disposition and documentation while the vehicles involved were impounded,” Arnedo said in his statement.
Inihahanda na ng Kapulisan ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injury, Multiple Homicides, and Damage to Property na isasampa laban sa driver ng trak.