Sinimulan na ng binuong “Task Force LAG” ng lokal na pamahalaan ng Pandi, Bulacan ang hearing sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng umanoy puwersahang pagbawas sa financial assistance na tinanggap ng mga benepisyaryo mula sa payout activity ng Department of Social Welfare and Development-Livelihood Assistance Grant (DSWD-LAG) program.
Pinangunahan ni Mayor Enrico Roque, overall chair ng investigating body ng local task force LAG ang pagbusisi sa sinasabing anomalya sa distribution ng naturang livelihood assistance grant sa nasabing bayan kasama ang mga concerned agencies ng pamahalaang lokal kabilang si Erwin Vicente ng Pandi Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at si Edna Tulabut ng DSWD Region 3 Field Office.
Dumalo rin sa naturang pagdinig ang pinaratangang Magic 7 Cooperative sa pangunguna ni president Nick Cabias at mga sektor mula sa Senior Citizen, Pandi 4P’s members at ang Pinagkaisang Lakas ng Kababaihan (PILAK) na pawang mga kabilang sa beneficiaries ng naturang financial assistance.
Ang local task force ng Pandi ay hiwalay na investigative team sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) task force na pinamumunuan ni Commissioner Greco Belgica na siyang gagawa ng masusing pagsisiyasat sa mga natanggap na reklamo ng PACC kaugnay ng puwersahang pagkaltas ng P5,000 mula sa LAG.
Ang DSWD national at regional offices ang siya namang itinalagang pay masters sa isinasagawang payout at ang nasabing financial assistance ay ikakaloob para magamit na puhunan sa mga apektado ng pandemiya.
Paglilinaw ni Mayor Roque, base na rin sa nabanggit na preliminary investigation at initial result, lumalabas na walang kinalaman o mandato ang local government ng Pandi sa naturang LAG payout na nagkaroon umano nga ‘anomalya’ maliban sa DSWD ng regional field office 3.
Pahayag ni Cabias ng Magic 7 Cooperative, wala aniya silang pinilit at pinuwersa na magbigay ng P5,000 each ang mga beneficiaries at ito umano ay kusang loob o volunary sharing para sa negosyong itatayo bilang pagdagdag kita at mapalago ang nalikom na puhunan.
Umabot sa kabuuang 3,512 ang total na nakatanggap ng LAG sa bayan ng Pandi kung saan kabilang sa nagpatunay na walang puwersahan at pamimilit na naganap at ang kaltas na P5,000 ay kusang-loob na inilagak group by group para gamitin sa ibang negosyo.
Panawagan ng alkalde sa DSWD Region 3 ay magsumite ang mga ito ng isinagawang payout monitoring para malaman kung mayroon sa simula pa lamang na anomalya o paglabag sa guideance ng distribution.
Lumabas sa paunang pagdinig na walang kamalayan ang Pandi LGU sa naturang isyu base na rin sa assumption ni Tulabut ng DSWD Region 3.
Nabatid na 15 individual complainants ang naghain ng reklamo sa PACC kaugnay ng mga alegasyon at dahil dito ay agad na bumuo ang PACC ng task force LAG kung saan maging si Mayor Roque ay nagpahayag din ng pagtulong o bukod na pagsisiyasat hinggil sa reklamo.
“Kaisa ako ng PACC sa imbestigasyon sa anomalya na sinasabi ng complainants. We are more than willing to immediately conduct an independent investigation or joint investigation with the PACC’s task force to finally shed light on the issue,” ayon kay Roque.
“The Municipality of Pandi welcomes any investigation to be conducted by the PACC, aside of our own investigation. If there was really any anomaly or illegal transaction happened, rest assured that they will face the circumstances,” dagdag ng alkalde.
Tiniyak din ni Roque na sa susunod na pagdinig ay magkakaroon na ng linaw at kasagutan at matutuldukan na ang isyu hinggil dito.