LUNGSOD NG MALOLOS — Nagbukas ng tatlong bagong ruta ng bus ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa Bulacan upang matugunan ang pangangailangan sa transportasyon ng mga manggagawang Bulakenyo ngayong umiiral ang General Community Quarantine.
Ayon kay LTFRB spokesperson Megan Dela Cruz, ang nasabing mga ruta ay magsisimula sa Angat, Balagtas at lungsod ng San Jose Del Monte.
Simula nitong Lunes, nagsimula ang full-operation ng bagong ruta ng bus mula sa Angat papuntang Quezon Avenue.
May kabuuang 510 na mga bus units ang pinagkalooban ng special permit upang makabiyahe mula sa barangay Sta. Cruz sa Angat, tatahak sa Norzagaray, Quirino Highway sa lungsod ng San Jose Del Monte at lalabas sa Fairview sa may Commonwealth Avenue hanggang makarating sa Quezon Avenue.
May 116 namang mga bus units ang tatakbo mula sa bayan ng Balagtas. Magkakaroon ito ng sakayan at babaan malapit sa Pamilihang Bayan ng Balagtas.
Mula rito ay tatahak ang bus sa kahabaan ng Manila North Road o Mac Arthur Highway kung saan dadaanan nito ang mga bayan ng Bocaue, Marilao, mga lungsod ng Meycauayan, Valenzuela at Malabon hanggang makarating sa Monumento sa Caloocan.
Base sa fare matrix na itinakda ng LTFRB sa NAIA Metrolink, na nakakuha ng special permit para sa rutang Balagtas-Monumento, maaring sumakay sa bus kahit malapit lamang ang destinasyon sa halagang 13 piso na minimum na pamasahe.
Samantala, inihahanda na rin ang bubuksang ruta mula sa lungsod ng San Jose Del Monte papuntang Monumento sa Caloocan.