LUNGSOD NG MALOLOS — Maagang nagumbida ang Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office o PHACTO sa mga turista, mga mamamayan ng Metro Manila at iba pang Pilipino, na muling balik-balikan ang Bulacan sa darating na Singkaban Fiesta mula Setyembre 8 hanggang 15.
Ito’y sa pamamagitan ng paglahok ng Karosang yari sa Singkaban sa ginanap na Aliwan Fiesta 2018.
Ipinarada ito mula sa Quirino Grandstand ng Rizal Park sa lungsod ng Maynila, bumaybay sa kahabaan ng Roxas Boulevard hanggang makarating sa Cultural Center of the Philippines Complex sa lungsod ng Pasay.
Tampok dito ang iba’t ibang uri ng Singkaban mula sa pamaypay, borlas, aranya, bilao, banig at ang pinakasikat na uri ng Singkaban, ang arko.
Sentro ng atraksyon ng karosa ang Reyna ng Singkaban na si Lady Justerinnie Santos, na nanalo sa ikalawang pwesto bilang Reyna ng Aliwan Fiesta 2018.
Base sa mga batayang pangkasaysayan ng National Historical Commission of the Philippines, tinatawag na Singkaban ang arko na yari sa kinayas na kawayan.
Unang itinindig ang Singkaban ng mga Bulakenyo noong 1898 at 1899 nang inilagay ito sa kahabaan ng kalsada sa Malolos na tinatawag ngayong Paseo Del Congreso.
Nagsilbi itong pansalubong ng mga Bulakenyo sa mga delegado ng Kongreso ng Malolos na tumungo sa simbahan ng Barasoain upang ibalangkas at pagtibayin ang kauna-unahang Saligang Batas ng bansa simula noong Setyembre 15, 1898.
Ipinangsalubong din ang Singkaban sa mga panauhing sumaksi sa pagpapasinaya sa Pilipinas bilang kauna-unahang Republika sa Asya noong Enero 23, 1899.
Ayon kay PHACTO Head Eliseo Dela Cruz, ang taunang Singkaban Fiesta ay hindi lamang basta pagdiriwang bagkus ito ay pagkakataon na mas malaman at magkaroon ng mas malalim na pagkakaunawa kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng Kongreso ng Malolos at kahalagahan ng simbahan ng Barasoain sa pagsasabansa ng Pilipinas bilang Republika.
Bukod sa karosa ng Singkaban, umabay naman dito ang mga mag-aaral ng Malolos Marine Fishery School and Laboratory ng barangay Matimbo sa lungsod ng Malolos.
Kinatawan nila ang Fiesta Republika na itinataguyod ng pamahalaang lungsod bilang isang pagdiriwang sa anibersaryo ng pagiging Republika ng Pilipinas, na ngayo’y isa nang Special National Working Holiday sa buong bansa sa bisa ng Republic Act 11014 na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Duterte.