CLARK FREEPORT ZONE — Tiyak nang may pagkukuhanan ng mas malaking pondo para sa pagsasakatuparan ng mga nakalinyang malalaking imprastraktura sa Gitnang Luzon.
Iyan ang tiniyak ni Finance Secretary Carlos Dominguez ngayong nalagdaan na ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang Republic Act 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN.
Tinataya ng kalihim na makakakolekta ito ng inisyal na 120 hanggang 130 bilyong piso sa unang taon ng implementasyon ngayong 2018.
Binigyang diin ni Dominguez na ang pagtatayo ng Terminal 2 ng Clark International Airport at ang patuloy na pagpapaunlad ng naturang civil aviation complex ay magiging sentro ng mga itatayo pang imprastraktura sa rehiyon.
Ayon naman kay Transportation Secretary Arthur Tugade, ididikit sa terminal na ito ang Phase 2 ng Philippine National Railways North na mula sa lungsod ng Malolos.
Ang konstruksyon ng Phase 1, mula Tutuban sa Maynila hanggang Malolos, ay sisimulan sa Enero 6 ngayong taon.
Kaugnay nito, ipinagmalaki ni Bases Conversion and Development Authority President Vivencio Dizon na malaking bagay ang TRAIN sa pagsasakatuparan ng New Clark City na lupain sa Capas, Tarlac na planong maging alternatibo sa Kalakhang Maynila.
Kabilang sa itatayo rito ang National Government Administrative Center, Mixed Use Industrial Real Estate Developments, Philippine Sports City, Food Processing Terminal and International Food Market, Mixed Income Development Housing, at Agro-Industrial Park.
Base sa pagtataya ng Department of Finance, pinakamalaking makokolekta ng TRAIN ang mas pinataas na oil excise na aabot ng 73.7 bilyong piso.
May 52 bilyong piso namang magmumula sa mga sugar-sweetened beverage tax, 14 bilyong piso mula sa auto excise at 60 bilyong piso mula sa broadening ng tax base. –Shane F. Velasco