Tibay ng kalsadahan hanggang 2 taon lang tatagal-DPWH

Mula sa lima hanggang sampung taon ay tatagal na lamang ng dalawa o hanggang tatlong taon pinakamatagal ng mga concrete roads sa mga pangunahing national at provincial roads dahil sa pagkasira dulot ng mga naglalakihang truck partikular na ang mga overloaded trucks na araw-araw na dumaraan dito.

Sinabi ni District Engineer Henry Alcantara ng Bulacan First District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sanhi ng mga hindi mapigil na overloaded trucks na siyang nagdudulot ng agarang pagkasira ng mga kalsadahan.

Ayon kay Alcantara,sa loob ng 24-oras ay hindi bababa sa 100 mga overloaded trucks pangunahin na rito ang mga extended dump trucks ang dumaraan sa mga national roads na kung minsan ay nakalulusot o pinapayagan ng mga authorized at deputized personnel mula sa ibang ahensiya ng gobyerno.

Aniya, kailangan umanong i-implement ang mas mataas na pagpataw ng penalty sa mga lalabag sa itinakdang 20-25 tons maximum o capacity load ng bawat truck.

Base sa road rating assessment, ang newly re-blocked roads ay tatagal dapat ng lima hanggang sampung taon subalit agad na nasisira partikular na sa gawing mga south bound roads dulot  ng mga nasabing extended dump trucks.

“Kung mapapansin niyo, ang unang parte ng kalsada na nasisira ay ang mga south bound lane dahil dito kalimitan dumadaan ang mga loaded trucks,” ayon kay Alcantara.

Nabatid na limitado ang kapasidad ng mga DPWH personnel para manghuli ng mga overloaded trucks dahil kailangan pa silang mag-seminar sa Land Transportation Office (LTO) na siyang may mandato na manghuli.

Napag-alaman pa na hanggang anim na buwan lamang ang bisa upang sila ay mabigyan o i-deputize ng LTO at kasunod nito ay magre-request muli sila kung saan dito tumatagal ang proseso, ayon sa district engineer.

Tiniyak din ni Alcantara, na oras mabigyan ng permiso mula sa LTO na manghuli ay siniguro nito na 24-oras din sila magbabantay sa kalsadahan alinsunod na sa direksyon ni DPWH Secretary Mark Villar na mapanatiling maayos at epektibo sa mamamayan ang mga pangunahing proyekto ng ahensiya alinsunod sa  programa ng pamahalaang nasyunal sa ilalim ng administrasyong Rodrigo Roa Duterte.

Nananawagan si Alcantara sa mga concerned agencies ng gobyerno gayundin sa mga local government units na magkaisa at magtulungan na higpitan ang pagpapatupad ng kaukulang batas sa mga overload trucks.

Maging ang samahan ng Bulacan Riders Association ay nananawagan din sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na bigyan derektiba ang mga LGUs, PNP at LTO kaugnay ng pagbabawal sa mga overloaded trucks.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews