Para sa mga guro na kasangga ng bayan sa paglilinang, pagpepreserba, at pagtataguyod ng wikang Filipino at ng mga iba’t-ibang katutubong wika, nararapat lamang ang isang pagkilala.
Pormal nang binuksan ng Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ang proyektong “Ulirang Guro sa Filipino 2021”, na magbibigay pugay sa mga natatanging guro na nagpamalas ng husay at inisyatiba sa pagpapalaganap ng wikang Filipino at ng mga katutubong wika sa kani-kanilang komunidad.
Base sa mga tuntunin na inanunsyo ng komisyon, inaanyayahan na magsumite ng aplikasyon ang mga mentor mula sa mga lalawigan at rehiyon na gumagamit ng Filipino, at ng katutubong wika bilang midyum na panturo sa anumang asignatura o disiplina, mula elementarya hanggang tersiyarya.
Dagdag pa rito, kinakailangan din na ang mga lalahok ay may mga modyul o anumang kagamitang pampagtuturo na ginawa na nasa Filipino o anumang katutubong wika.
Nararapat din na ang mga sasali ay may mga saliksik o inisyatiba na ginawa sa pagpapahusay ng pagtuturo sa Filipino ngayong pandemya.
Para sa mga kwalipikasyon, kinakailangan na ang aplikante ay rehistradong propesyonal na guro at may masterado o yunit sa masterado para sa mga guro sa kolehiyo, full-time, at may permanenteng istatus sa kanyang institusyong panturo.
Hinihingi rin ng KWF na ang mga lalahok ay nakapagturo gamit ang Filipino o ibang katutubong wika ng lima o higit pang taon at may antas ng kahusayan (performance rating) na hindi bababa sa Very Satisfactory sa buong panahon ng paglilingkod.
Ayon sa natatanging ahensiyang pangwika, isa ring kwalipikasyon ay dapat nakapag-ambag na sa pagpapalaganap at promosyon ng wikang Filipino at mga wikang katutubo at kultura sa larangan ng pagtuturo sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng publikasyon, seminar, pagsasanay, at iba pang katulad na gawain ang mga kalahok.
Nararapat ding taglayin ng aplikante ang pangunguna sa pagpapahalaga sa pamanang pangwika at pangkultura ng Pilipinas kaagapay ng pagtataguyod at pagpapaunlad sa wikang Filipino, at ng Ortograpiyang Pambansa sa pagsulat ng mga saliksik, artikulo, aklat, at iba pa.
Bibigyan naman ng malaking puntos ang mga lalahok na may makabuluhang ambag sa mga saliksik pangwika at pangkultura ng rehiyon lalo na sa agham at ibang disiplina.
Samantala, anunsyo ng KWF, magkakaroon ng paunang pagpili o preliminary judging sa lahat ng aplikasyon na tatanggapin hanggang Hunyo 1.
Pagkatapos nito, ang mga mapipili ay kinakailangang magsumite ng panibagong papeles na kakailanganin hanggang Hulyo 5.
Pagbibigay diin ng kilusan, makatatanggap ng medalya, pin at katibayan ng pagkilala ang mga mapipiling Ulirang Guro sa Filipino ngayong taon.
Pinaaalalahanan ng opisyal na lupong tagapamahala ng wikang Filipino na marapat na bisitahin ng mga nais lumahok ang kanilang opisyal na website para sa mga adisyonal na tuntunin, pormularyo sa paglahok, template ng curriculum vitae, at iba pang katanungan. / Jag Lyra Costamero