Pinarangalan ng pamahalaan lokal ang Top 5 na Barangay Nutrition Scholars o BNS sa bayan ng San Marcelino sa Zambales.
Kinilala bilang Top 1 BNS si Rosalie Aganon, Top 2 si May Banuelos, Top 3 Ronalyn Paje, Top 4 Rosemarie Arimboanga at Top 5 Lorelie Catipon.
Ito ay bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Nutrition Month ngayong Hulyo na may temang “New Normal na Nutrisyon Sama-Samang Gawan ng Solusyon!”
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Mayor Elmer Soria ang kahalagahan ng mga BNS at ang kanilang papel sa pagpapatupad ng mga programang inilunsad ng pamahalaang lokal para sa mga komunidad.
Aniya, bagamat nasa gitna pa rin ng pandemya ay higit na kailangang bigyan ng halaga ang ang pagdiriwang nito upang mapanatiling malusog at masigla ang pangangatawan ng kanilang mga anak at pamilya.
Tiniyak rin ni Soria na kaisa ng Marcelineans ang lokal na pamahalaan sa pagpapanatili at pagpapaigting ng kampanya tungo sa wastong nutrisyon para sa lahat .
Bukod sa pagpaparangal sa BNS, binigyang pagkilala rin pamahalaang bayan ang mga voluntary sponsors ng feeding programs.
Namahagi rin ng foodpacks sa mahigit 30 na mga batang edad 0-59 buwang gulang na natukoy mula sa Operation Timbang ng ungang quarter ng 2022. (CLJD/RGP-PIA 3)